NALITSON nang buhay ang isang senior citizen na sinasabing may kapansanan nang masunog ang kanilang tahanan sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Grace Juat, 63 anyos, at residente sa Aqua St., Fernville Subd., Brgy. Pasong Tamo.
Batay sa ulat ni Bureau of Fire Protection (BFP) Station 6 commander Fire Captain Aloysius Borromeo, pasado 6:00 am, 20 Enero, nang magsimulang sumiklab ang sunog sa isang palapag na bahay ng biktima.
Hindi umano nagawang makalabas ng kanyang tahanan ang biktima dahil sa kapansanan kaya’t nakulong sa apoy.
Ayon kay Borromeo, walang koryente sa bahay nang maganap ang sunog at tanging kandila ang gamit na ilaw sa tahanan.
Gayonman, inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na naideklarang fireout dakong 7:33 am at umabot sa unang alarma.
Ayon sa BFP, walang iba pang tahanan ang nadamay sa sunog. (ALMAR DANGUILAN)