SINUYOD ng mga kagawad ng pulisya ang kanilang mga kinakasakupang barangay upang bigyan ng tamang kaalaman ang health workers (BHW) hinggil sa Coronavirus Awareness Response and Empowerment (CARE) infodemic upang maiwasan ang pagkalat ng CoVid-19 sa lalawigan ng Pampanga.
Nagsagawa ng panayam ang mga kagawad ng Mexico PNP sa pangunguna ni P/Lt. Marlon Imperial at pamumuno ni P/Lt. Col. Angel Bondoc sa mga barangay ng Parian at San Vicente dakong 9:00 am nitong Martes, 19 Enero.
Sumabay rin ang Guagua municipal police station sa pamumuno ni P/Lt. Col. Julius Javier na sinadya ang Brgy. San Rafael samantala nagtungo sa Sto. Tomas ang Sasmuan PNP sa pangunguna nina P/SSgt. Michelle Parian at Pat. Jeric Maron, sa pamumuno ni P/Maj. Jimmy Malonzo.
Sama-samang tinipon ang barangay council, Barangay Peace Keeping Action Team (BPATs), Force Multipliers at miyembro ng mga Kabataang Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) bilang kalahok sa nasabing aktibidad.
Kamakailan ay isinailalim sa CARE Infodemic seminar ang mga pulis sa Central Luzon upang mabigyan ng wastong impormasyon sa CoVid-19 at maipalaganap sa kanilang area of responsibility (AOR).
Namigay rin ang pulisya ng facemasks, face shield, alkohol at mga pagkain sa mga dumalo sa pagpupulong.
(RAUL SUSCANO)