INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawa niyang opisyal na mag-walkout sa Senate hearing kaugnay sa national vaccination program kapag binastos ng mga senador.
Narinig umano ni Presidential Spokesman Harry Roque ang direktiba ni Pangulong Duterte kina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., sa kanilang pulong noong Lunes.
Humingi aniya ng pahintulot si Galvez sa Pangulo na hindi dadalo sa Senate hearing bukas dahil dalawang linggo na siyang wala sa negosasyon sa mga pharmaceutical company na magsu-supply ng bakuna sa bansa.
Sa press briefing kahapon ay sinabi ni Galvez na malinis ang transaksiyon ng gobyerno sa bakuna at walang nagaganap na korupsiyon.
“And I can assure you that what we are doing is clean and we are ‘very ano’ talaga… na talagang walang corruption sa ginagawa namin,” ani Galvez.
Ang banko aniya ang direktang magbabayad sa pharmaceutical company na magsu-supply ng CoVid-19 vaccine.
“Pangalawa, ang ‘ano’ natin is talagang iyong pera it will be a bank to bank agreement. So deretso sa company babayaran ng Asian Development Bank at saka World Bank, alam ng mga ‘ano’ iyan, pati mga pharmaceutical companies, very stringent ang regulatory niyan, walang corruption talaga iyan,” giit ni aniya.
Paliwanag ni Galvez, may nilagdaang confidentiality disclosure agreement (CDA) sa negosasyon sa pharmaceutical companies kaya hindi maisisiwalat ang tunay na presyo ng CoVid-19 vaccine.
Inatasan kamakalawa ni Pangulong Duterte si Galvez na ibigay kay Senate President Tito Sotto ang lahat ng dokumento kaugnay sa vaccine procurement ng administrasyon.
(ROSE NOVENARIO)