GINAWANG panakot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga senador na sinabing kursunada ang Pfizer CoVid-19 vaccine ang pagkamatay ng 25 Norwegian elders na naturukan ng bakunang gawa ng pharmaceutical company.
“Ayan ‘yung sa Pfizer, gusto ninyong Pfizer, kayong mga senador, in Norway, 25 persons died after receiving Pfizer vaccination. Gusto ninyo? Mag-order kami para sa inyo,” ayon kay Duterte sa kanyang public address kamakalawa ng gabi.
Ang pahayag ng Pangulo ay ginawa kahit walang konkretong basehan at sa kabila ng pahayag ng Norway at Pfizer na walang kinalaman ang bakuna sa pagkasawi ng mga nasabing pasyente.
Batay sa Bloomberg report, sinabi ni Steinar Madsen, medical director ng Norwegian Medicines Agency, ang mga insidente ay nagpapatunay kung gaano kadelikado ang CoVid-19 sa mga may malalang sakit.
“Clearly, CoVid-19 is far more dangerous to most patients than vaccination. We are not alarmed,” ani Madsen.
Ginawang prayoridad ng Norway na bakunahan ng Pfizer vaccine ang matatandang nakatira sa nursing homes na umabot na sa 48,000.
“Pfizer and BioNTech are aware of the reported deaths following administration of BNT162b2. We are working with the Norwegian Medicines Agency (NOMA) to gather all the relevant information,” pahayag ng Pfizer-BioNTech.
(ROSE NOVENARIO)