ni ROSE NOVENARIO
PABOR si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkansela ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa 1989 UPD-DND Accord o ang kasunduang nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok at kumilos sa loob ng mga pamantasan ng University of the Philippines (UP) System.
“Si Secretary Lorenzana is an alter ego of the President. Of couse, the President supports the decision of Secretary Lorenzana,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
Sa kanyang liham sa liderato ng UP kamakailan, ikinatuwiran ni Lorenzana sa pagtuldok sa kasunudan na ito’y upang bigyan proteksiyon ang mga kabataan mula sa recruitment activities ng Communist Party of the Philippines (CPP) at armadong grupo nitong New People’s Army (NPA).
Bilang alumnus ng UP, sinabi ni Roque na dapat pakinggan ang panig ni UP President Danilo Concepcion sa usapin.
“Pero pagdating sa kontrobersiyang ito, kinakailangan pong pakinggan natin ang UP President, si President Danilo Concepcion. So lahat po iyong mga damdamin ng mga alumni gaya ko, I think it will be expressed by President Danilo Concepcion,” ani Roque.
“Nasa mga taga-UP rin po iyan, ang tingin ko naman po dahil napakatagal kong nagtagal diyan sa UP, labinlimang taon, hindi po nila papayagan na mabalewala at malabag ang kanilang karapatan sa academic freedom,” dagdag niya.
Pinangunahan kahapon ni Concepcion ang kilos-protesta ng mga kawani, guro at mga estudyante ng UP laban sa naging desisyon ni Lorenzana.
Nanawagan siya kay Lorenzana na bawiin ang naging pasya.
Giit ni Concepcion, hindi kailangan putulin ang kasunduan at maaari itong maging mitsa para lumala ang relasyon ng unibersidad at ng militar.
“We want to maintain UP as a safe haven for all beliefs and forms of democratic expression. We do not condone sedition, armed insurrection, or the use of violence for political ends,” aniya.
“Kung ang UP ay tatanggalan ng academic freedom sa anumang pamamaraan ang UP ay mawawalan ng saysay at kabuluhan kaya tayo ngayon ay magbubuklod at magkakapit-bisig upang patuloy nating ipaglaban ang academic freedom,” ani Concepcion.
Umalma ang maraming sektor, personalidad at mga organisasyon sa naging pasya ni Lorenzana, gaya ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Naniniwala ang NUSP na hakbang ito upang sagarin ang presensiya ng militar sa mga pamantasan at paaralan at parte rin ito ng sistematikong atake laban sa demokratikong karapatan at akademikong kalayaan ng mga estudyante.
Anang NUSP, ang pasinayaan ang militarisasyon sa mga pamantasan ay gawain ng tunay na terorista at sinasabotahe ang bulnerableng kalagayan ng bansa sa gitna ng pandemya.
“Ngayon, lalo’t higit sa panahon ng matinding ligalig at terorismo laban sa sambayanang Pilipino, nangangailangan magpakita ng mas palabang diwa ang mga lider-estudyante upang labanan ang pasismo ng estado.”
Para kay Terry Ridon, dating pinuno ng League of Filipino Students (LFS) at dating Kabataan party-list representative, kung may mga rebolusyonaryo na naging produkto ang UP, may nagtapos din sa pamantasan na ang isang dikatdor, mga defense minister, mga AFP chief of staff, coup plotters at mga mandarambong na politiko.
“Inasmuch as UP produces revolutionaries, it has also produced a dictator, defense ministers, AFP chiefs, coup plotters, and plundering politicians. Maybe best to look outside your part of the woods before going out guns blazing on hard-won historic victories,” ani Ridon sa isang Facebook post.
Sa pagbasura
ng UP-DND accord
PROTESTANG
ANTI-TERROR
IKINASA
SA DILIMAN
NAGTIPON nitong Martes, 19 Enero, sa University of the Philippines (UP) Diliman campus, sa lungsod ng Quezon ang mga miyembro ng iba’t ibang sektor upang magsagawa ng kilos-protesta laban sa pagsasawalang-bisa ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord na nagbabawal sa presensiya ng militar at pulisya sa mga campus ng UP nang walang pahintulot mula sa mga opisyal ng pamantasan.
Kabilang sa mga lumahok sa indignation rally na ginanap sa Quezon Hall ng UP Diliman ang mga grupong League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan.
Dumalo rin sa protesta sina UP President Danilo Concepcion, UP Student Regent Renee Co, at UP-Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.
“Nagkamali sila sa pagwawalang-bisa ng accord dahil ang epekto nila ay pinalalakas lamang ang ating pagkakaisa. Hindi tayo aatras sa pagtatanggol sa UP at sa academic freedom,” pahayag ni Nemenzo sa rally.
Matatandan nitong Lunes, 18 Enero, ipinawalang-bisa ng DND ang kasunduan sa UP na nilagdaan noong 1989, na kailangang magbigay ng abiso sa pamunuan ng pamantasan bago makapasok sa mga campus ang mga militar at pulis.
Samantala, dinepensahan ni DND Secretary Delfin Lorenzana ang kanilang desisyon at sinabing nagiging “safe haven” para sa mga kaaway ng estado ang uniberidad.
Nagbabala si UP President Concepcion na ang pagbabasura sa kasunduang may ilang dekada nang kinikilala at iginagalang ay maaaring magkaroon ng masamang epekto imbes mapabuti ang relasyon sa pagitan ng mga institusyon sa bansa.