ni ROSE NOVENARIO
ETSAPUWERA muna ang mga senior citizen sa pila ng mga prayoridad na tuturukan ng CoVid-19 vaccine sa Filipinas.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., napag-usapan nila ni Health Secretary Francisco Duque III na uunahing bakunahan ang 18-anyos hanggang 59-anyos at saka na lamang tuturukan ng CoVid-19 vaccine ang senior citizens kapag mayroon nang bakuna na angkop sa kanilang edad.
Ang pahayag ni Galvez ay matapos mapaulat na 23 Norwegian senior citizens ang namatay matapos maturukan ng CoVid-19 vaccine na gawa ng Pfizer.
“Sinabi namin na mas maganda ‘yung original plan namin na 18 hanggang 59 [years old] lang muna at hahanap tayo ng bakuna na pang-matanda talaga,” ani Galvez sa panayam sa DZBB.
“Based sa initial report ng Norway, talagang delikado ‘yung 80 and above. So ‘yun ang talagang titingnan natin lalo na ‘yung talagang may komplikasyon at talagang nakikita natin ‘yung mga frail. Kasi titingnan natin din ‘yung risk and benefit ng bakuna natin,” dagdag ni Galvez.
Nauna rito’y sinabi ni Galvez na ang CoVid-19 vaccine na gawa ng Pfizer ang unang darating sa Filipinas at ginawaran na ito ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).