NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat na pulis ng Olongapo City PNP kasama ang kanilang asset na hinihinalang nagbebenta ng ilegal na droga nitong Biyernes ng madaling araw, 15 Enero, na nagresulta sa pagkakabisto ng shabu laboratory sa loob ng Subic Free Port.
Sa pahayag ni SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma, naglunsad ng anti-narcotics operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA NCR, PDEA Regional Office 3, CIDG NCR, CIDG Zambales, PNP Maritime Group, at Subic Bay Metropolitan Authority Intelligence & Investigation Office sa nasabing lugar.
Ayon sa report ng CIDG at NBI, kinilala ang mga suspek na sina P/Lt. Reynaldo Basa, Jr., P/Cpl. Gino Dela Cruz, P/Cpl. Edesyr Victor Alipio, P/Cpl. Godfrey Duclayan Parentela, pawang mga kagawad ng Station 2 Drug Enforcement Unit na naaresto mismo sa loob ng shabu laboratory sa 366-B Finback St., West Kalayaan, Subic Bay Free Port Zone.
Samantala, kinilala ang civilian asset na si Jericho Dabu, pinosasan ng mga operatiba nang maaktohang nagbebenta ng isang kilong hinihinalang shabu kapalit ng bultong boodle marked money na ginamit sa operasyon.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 300 kilo ng hinihinalang shabu, apat na Glock, 17 9mm pistol, limang cellphone, isang Honda Civic na may plakang UKM 779, at bultong boodle marked money.
Tinutugis sa follow-up operation ang isang Canadian national na umano’y may-ari ng ilegal na clandestine o kitchen-type laboratory, ayon sa raiding team.
Kaugnay sa nabanggit na insidente, isinailalim ni Olongapo Mayor Rolen Paulino sa drug test ang kabuuan ng pulis ‘Gapo.
Kamakailan ay ipinag-utos ni PRO3 P/BGen. Val De Leon ang simultaneous random drug testing sa buong Central Luzon PNP na layuning sibakin sa puwesto ang mga magpopositibo at may kaugnayan sa ipinagbabawal na droga. (RAUL SUSCANO)