DUMATING kahapon sa preliminary investigation ang ina ng flight attendant na si Christine Dacera na si Sharon at ang tagapagsalita ng pamilya na si Atty. Bricks Reyes.
Sinabi ni Reyes sa mga mamamahayag na posibleng may kinalaman sa droga ang pagkamatay ni Christine.
Napansin ng pamilya Dacera na iba ang naging pag-uugali ni Christine sa ginaganap na party sa dalawang kuwarto sa City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati.
Matatandaan, lumalabas sa mga report noon na nabanggit ni Christine sa isa sa kaibigan niya na kasama rin sa naturang party na may inilagay sa iniinom niya bago siya nahilo, nag-iba ang mga kilos hanggang magsuka sa comfort room.
Ayon kay Reyes, umaasa ang pamilya Dacera sa ikalawang awtopsiya kay Christine ay masasagot ang kanilang mga pagdududa na may ipinainom sa kanilang anak kaya namatay at tila lango sa ipinagbabawal na droga.
Kinuwestiyon din ni Reyes ang ginawang pagpapalaya ng imbestigador ng Makati Police kGregorio Angelo Rafael De Guzman.
Dagdag ni Reyes, hanggang ngayon iginiit ng pamilya kung bakit hindi kinuhaan ng statement ng pulis si De Guzman na sanay makatutulong sa imbestigasyon o sa kaso ng pagkamatay ni Christine.
Samantala, idinikta umano ng Makati Police sa mga suspek na may ilegal na droga sa naganap na New Year’s party sa City Garden Grand Hotel na kinamatayan ng flight attendant na si Christine.
Tahasang sinabi ni Atty. Abigàil Portugal, na-pressure ang kaniyang mga kliyente na sina John Paul Dela Serna III at Rommel Galido na sumunod sa idinikta ng pulis kapalit ng pagpapalaya umano sa kanila at hindi na sasampahan ng kaso.
Bukod kina Galido at Dela Serna, si Portugal din ang abogado nina Valentine Rosales, Clark Jeezrel Rapinan, at Gregorio Raphael De Guzman.
Kasama ito sa inihaing counter-affidavit ng pito sa 11 respondents sa reklamong rape with homicide na inihain ng Makati Police.
Nagsampa rin ng counter-affidavit ang respondent na si John Paul Halili, habang kapwa kinatawan ng kanilang legal counsel ang nagsumite ng counter-affidavits para sa respondents na sina Louie De Lima at Rey Englis.
Naghain ng dalawang mosyon ang Makati Police para sa nasabing reklamo.
Una, ang motion to reset preliminary investigation, upang mabigyan sila ng sapat na panahon na makompleto ang iba pang mga ebidensiyang isusumite sa piskalya tulad ng body examination results na ginawa kay Dacera.
Ikalawa, ang mapagbigayn sila na maghain ng supplemental complaint upang maisama ang walong mga kasama sa nasabing party, na nasa Room 2207, na hindi pa nasampahan ng reklamong rape with homicide.
Naniniwala ang kampo ni Dacera na mas kapani-paniwala ang ikalawang awtopsiya na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kahit limitado ang nakuhang samples ng specimen.
(JAJA GARCIA)