MADALING matutukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) kung mayroong alcohol o ilegal na droga sa katawan ng flight attendant na si Christine Dacera na namatay sa isang hotel sa Makati City.
Ayon sa NBI, kahit dalawang beses nang isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima, mayroon pa rin nakuhang 100 mililiters ng bodily fluids sa katawan ni Dacera sa isinagawang ikalawang awtopsy sa General Santos City noong weekend.
Sa pamamagitan nito, maaari nang matukoy ng NBI kung ano ang mga ininom ng 23-anyos fllight attendant bago namatay.
Ang fluids at organs ni Dacera ay sasalang muna sa DNA analysis.
Sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, mayroon silang interesting leads sa krimen at tiwalang magkakaroon ng resulta ang imbestigasyon sa mga susunod na araw.
Maging ang biological samples mula sa hotel ay sinusuri na rin ng NBI.
Sa ngayon, hinihintay ng NBI ang resulta ng tests na isinagawa ng Makati Medical Center sa katawan ni Dacera na sinasabing agad idineklarang dead on arrival.
Nitong Lunes, ipinatawag ng NBI ang mga indibidwal na nasa hotel na nakasama ni Dacera bago mamatay.
Maging ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel rooms na naka-check-in noong naganap ang insidente ay ipinatawag ng NBI para magbigay ng kanilang testimonya.
Madali silang nakilala ng NBI dahil nasuri ng NBI ang CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, corridor maging sa loob ng elevator.
ILANG AKUSADO
SA DACERA CASE,
TINANGGALAN
NG SUWELDO
SINABI ni Kian Ang, isang kaibigan ng mga akusado sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay tinanggalan ng suweldo dahil sa ongoing investigation sa kanila.
Si Rommel Galido, nawalan ng apartment at hindi na makalipad bilang isang flight attendant habang iniimbestigahan.
Humihingi ng tulong si Valentine Rosales, upang makakuha sila ng abogado.
Dahil dito, nag-fundraising ang magkakaibigan para lumikom ng perang pambayad sa kanilang mga abogado.
P1-2 milyon umano ang goal nilang maipon sa kanilang fundraising.
Sinabi ni Kian, napapansin ng kanyang mga kaibigan na tinitiktikan sila ng mga hindi kilalang tao kapag lumalabas sila ng bahay.
(VV)
DUMALO SA YEAREND
PARTY NI DACERA,
MAY DALANG
‘POWDER DRUGS’
TALIWAS sa inihayag ng ilang kaibigan ni Christine Dacera na wala silang nakitang droga sa kanilang yearend party sa isang hotel sa Makati, lumilitaw sa testimonya ng isa sa mga dumalo na may nakita siyang ‘powder drugs.’
Sa ulat, nakasaad sa sinumpaang salaysay ni JP Dela Serna na isang “Mark Anthony Rosales” ang nagdala ng ‘powder drugs.’
Bandang 1:00 am noong 1 Enero 2021 ay may ipinakita si Mark Anthony Rosales habang kami ay nag-iinuman. May dinukot siya sa kaniyang medyas at ipinakita sa amin ang isang powder drugs na nakabalot sa plastic,” saad sa salaysay.
“Inaya po niya akong gumamit nito ngunit hindi ako pumayag. At pagkaraan ay nakita kong lango na sina Louie [de Lima] at Mark dahil sa ginamit nila na powder drugs na dala ni Mark,” ani Dela Serna.
Sa press conference, kamakailan ng ilang kaibigan ni Dacera na kasama sa hotel, sinabi ni Rommel Galido na nagsumbong sa kaniya ang dalaga na tila may inihalo si “Mark” sa kaniyang inumin kaya nag-iba ang kaniyang pakiramdam.
“Tumabi siya sa’kin, then sabi niya, ‘Sis, parang I feel something, parang naiiba ‘yung pakiramdam ko.’ I think merong naglagay sa drink niya, sabi niya sa’kin. Then sabi ko, ‘Who?’ and then sabi niya, ‘I think Mark,’” ayon kay Galido.
“Then sabi ko lang sa kanya, ‘Gaga, kung ano anong pinag-iisip mo.’ Gumano’n lang ako sa kanya then dinedma ko na siya, bumalik na naman ako sa pagtulog,” patuloy niya.
Nang tanungin kung sino ang Mark na tinutukoy ni Dacera, ayon kay Galido: si Mark Anthony Rosales.
Samantala, sa tulong ng security camera ng hotel, nalaman na 7:00 am nang mag-alisan sa hotel ang ilan sa mga lalaking umokupa sa Room 2207, ang katabing kuwarto na 2209 naman ng grupo ni Dacera.
Sinabi ng mga kaibigan ni Dacera na ilang beses tumawid sa 2207 ang dalaga na nakita rin sa CCTV na sinusundo pa nila ito pabalik sa kanilang kuwarto na 2209.
Sakay ng pulang kotse ang ilan sa mga umokupa ng 2207 nang umalis sa hotel, ilang oras bago nakitang hindi na humihinga sa bathtub si Dacera.
Nauna nang sinabi ng NBI na tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga taong umokupa sa 2207.
Sa ulat, sinabi ng source na 2209 ang unang kuwarto na ipina-book ng grupo ni Dacera noong 30 Disyembre.
Kinabukasan 31 Disyembre, nagpareserba pa ng isang kuwarto ang grupo na 2207 naman.
Sa salaysay, sinabi ni John Paul Halili, hotel manager at kaibigan ni Dacera, siya ang nag-asikaso sa mga kuwarto na hiniling ng grupo.
Si Dela Serna umano ang nagpakilala kay Halili sa mga umokupa sa Room 2207.