PATAY ang apat katao, kabilang ang isang sinasabing may kaugnayan sa ilegal na droga, nang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek na sumalakay sa isang tarpaulin printing at automobile shop sa lungsod ng Biñan, lalawigan ng Laguna, noong Linggo ng gabi, 10 Enero.
Ayon kay P/Lt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng Biñan City police, naganap ang insidente ng pamamaril dakong 11:45 pm kamakalawa sa Brgy. Vicente, sa naturang lungsod.
Kinilala ang isa sa mga biktimang si James Anthony Alon-alon, 40 anyos, residente sa Brgy. dela Paz, sa lungsod ng Biñan, dating lider umano ng Alon-alon drug gang.
Nauna siyang nadakip dahil sa pagbebenta ng droga noong taon 2018 ngunit ibinasura ng korte ang kaso.
Samantala, kinilala ang iba pang mga biktimang sina Jason Mangahis, residente sa lungsod ng Sta. Rosa City; at magkapatid na Carlo at Custer Tanael.
Ayon sa pulisya, nasa loob ng tanggapan ng autoshop ang apat na biktima nang salakayin ng hindi bababa sa walong armadong lalaki saka sila pinagbabaril.
Salaysay ng hindi nagpakilalang saksi, narinig niyang nagtatalo ang mga suspek at mga biktima bago niya narinig ang mga putok ng baril – indikasyon na magkakakilala sila.
Agad tumakas ang hindi kilalang mga suspek matapos pagbabarilin ang apat.
Dinala ang mga biktima sa Ospital ng Biñan ngunit binawian din ng buhay kalaunan.