NAILIGTAS sa tiyak na kapahamakan ng krusipihong kuwintas suot ng isang 9-anyos batang lalaki sa bansang Argentina nang tamaan siya ng ligaw na bala sa gitna ng pagdiriwang ng bisperas ng Bagong Taon.
Naglalaro si Tiziano, 9 anyos, kasama ang kaniyang kapatid at pinsan sa labas ng kanilang bahay sa Las Talitas, Argentina noong bisperas ng Bagong Taon nang tamaan siya ng ligaw na bala sa dibdib.
Nakaramdam umano ng sakit sa kaniyang dibdib si Tiziano at nakita ang bala sa lupa sa kaniyang tabi.
Dinala si Tiziano sa pagamutan kung saan ginamot ng mga doktor ang sugat niya sa dibdib at pinauwi rin agad, wala pang isang oras.
Pagkauwi nila sa kanilang bahay, nakita ng tiyahin ni Tiziano ang kuwintas na krusipiho sa lupa. Ang kwintas na regalo ng ama ng bata na si David, 36 anyos, ay mayroong butas sa gitna.
Ani Tiziano, napatunayan niyang nailigtas siya ng kaniyang krus na kuwintas nang makita niya itong mahulog matapos siyang tamaan ng bala ng baril.
Para sa ina ni Tiziano na si Alejandra, isang himala ang pagkakaligtas ng kanilang anak mula sa tiyak na kapahamakan.
Ani Alejandra, dinala nila si Tiziano sa simbahan upang magdasal at magpasalamat sa Diyos Ama.
Itinuturing ng lokal na media sa Argentina na ang insidente ay Himala ng Bagong Taon.
Naipalaam na sa pulisya ang insidente at nag-iimbestiga upang matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril.
Halaw ni KARLA OROZCO