HINDI bababa sa 100 pamilya sa Brgy. Tetuan, sa lungsod ng Zamboanga, ang nawalan ng tirahan nang masunog ang kanilang mga bahay pasado 11:00 am, kahapon, 6 Enero.
Ayon kay Maria Socorro Rojas, city social welfare and development officer, pansamantalang sumisilong ang mga apektadong pamilya sa isang paaralan.
Matatagpuan ang bahayang tinupok ng apoy katabi ng planta ng softdrinks tatlong kilometro mula sa sentro ng lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Jacqueline Ortega, city fire marshal, aabot sa 40 bahay ang naabo sa sunog na sanhi ng electrical short-circuit mula sa bahay ng isang Adela Pitua.
Umabot sa pangalawang alarma ang sunog na tuluyang naapula sa tulong ng higit sa isang dosenang estasyon ng bombero dakong 1:00 pm.
Tinatayang nagkakahalaga ng P350,000 ang pinsalang idinulot ng sunog.