BINAWIAN ng buhay ang isang opisyal ng Philippine Army sa kamay ng nag-amok na kapwa niya sundalo nitong Martes, 5 Enero sa loob ng kanilang kampo sa lungsod ng Zamboanga.
Ayon kay P/Maj. Edwin Duco, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police, lumabas sa imbestigasyon na nagalit ang suspek na kinilalang si Private First Class Herbert Antonio nang pagsabihan ng kaniyang immediate superior na si Technical Sergeant Joseph Cutaran dahil sa hindi pagtupad sa kaniyang mga tungkulin.
Kapwa kabilang sa 54th Engineering Brigade ng Philippine Army ang dalawa na nakabase sa Brgy. Cabatangan, sa nabanggit na lungsod.
Napikon umano si Antonio at agad bumunot ng baril saka pinaputukan nang dalawang beses sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad tumakas si Antonio matapos ang pamamaril.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa 9mm pistol.
Ayon kay P/Capt. Albin Cabayacruz, hepe ng Santa Maria police station, nakatalaga si Antonio na bantayan ang tangke ng tubig sa kampo.
Noong Martes ng gabi, nakita umano ni Cutaran na lasing si Antonio at nasa kaniyang barracks, habang umaapaw na ang tubig sa tangke. Naglunsad ang mga awtoridad ng manhunt operation para masukol si Antonio, na residente ng Brgy. Talon-Talon, sa naturang lungsod.