LIMANG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang inihanay na top 9 drug personality ang dinakip nang makuhaan ng higit sa P69,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug operations ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Navotas police chief Col. Rolando Balasabas, dakong 1:00 am kahapon nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez sa buy bust operation sa A. Santiago St., Brgy. Sipac Almacen, si Rodel Barlan, 42 anyos, itinurong top 9 drug personality sa lugar; at Raymart Bernardo, 36 anyos, itinurong tulak matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 2.2 gramo ng shabu na tinatayang nasa P14,960 ang halaga at buy bust money.
Dakong 3:10 am nang madakip ng mga tauhan ng Sub-Station 3 na nagpapatrolya sa kahabaan ng Lacson St., Brgy. NBBN si Virgilio Ramos, 55 anyos, at residente sa naturang lugar matapos makuhaan ng dalawang plastic sachets na naglalaman ng 1.7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P11,560 ang halaga.
Nauna rito, dakong 3:00 pm nang maaresto rin ng mga operatiba ng Station Intelligence Section sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., si Jonald Padilla, 23 anyos, at Dionesio Miramontes, 49 anyos, sa isinagawang surveillance at monitoring sa C3 corner R10, Brgy. NBBS Proper.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 6.3 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P42,840 ang halaga habang kasamang binitbit ng mga pulis ang 17-anyos dalagita dahil sa kasong Obstruction of Justice. (ROMMEL SALES)