HINDI pumayag ang pamahalaan sa mga apela ng ilan na gawing 50 porsiyento ang capacity na papayayagang makapasok sa Quiapo Church para sa lahat ng deboto na makikiisa sa pista ng Itim na Nazareno.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque, kailangang sundin ng mga deboto, gayundin ng simbahan ang parehong patakaran na umiiral.
Hanggang 30 porsiyento lang aniya ang maaaring religous services at hindi raw ito magbabago.
Sa pinakaunang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon ay walang gaganaping taunang prosesyon para sa imahen ng Itim na Nazareno o kilala rin bilang Traslacion bilang pag-iwas sa posibilidad na sumirit pa ang kaso ng coronavirus disease dahil milyon-milyong deboto ang inaasahan na dadalo rito.
Dahil dito, magsasagawa ng misa ang Quiapo Church sa 9 Enero bilang paggunita sa Itim na Nazareno.
Sinabing 16 misa ang ipagdiriwang upang maiwasan ang pagbuhos ng mga deboto na inaasahang magtitipon-tipon sa Quiapo Church.