ARESTADO ang dalawa sa tatlong lalaking binansagang ‘lasengero’ matapos manggulpi at manaksak saka bumalik sa bahay at ipinagpatuloy ang kanilang tagayan ngunit ang isa ay pumuslit na sa Caloocan City.
Kalaboso ang mga suspek na kinilalang sina Joseph John Daniel, 35 anyos, binata; at Michael Daniel Escasulatan, 36 anyos, kapwa residente sa Zaphire St., Brgy. 170, ng nasabing siyudad, habang nakatakas ang isa pang tomador na kinilalang si Arceo Boledo.
Ayon sa pulisya, dakong 8:00 pm nang maganap ang panggugulpi at pananaksak ng mga suspek sa loob ng bahay ng biktimang si Anthony Guarda Quiver, 45 anyos, may asawa, sa nasabing barangay.
Umiinom umano ang biktima sa loob ng kanyang bahay at isa pang kalugar nang bigla na lamang umeksena ang mga suspek na nag-iinuman din sa kanilang bahay at kinulata si Quiver saka sinaksak.
Matapos ito ay parang walang nangyaring bumalik sa kanilang hideout ang mga suspek at nagpatuloy sa paglaklak ng alak.
Dito na humingi na tulong sa pulisya ang biktima na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawa sa mga suspek na haharap sa kasong frustrated murder. (ROMMEL SALES)