SINO ang makapagsasabi na may magaganap na sporting event sa taong 2020, dahil sa pamiminsala ng coronavirus (COVID-19) ay naisipan ng gobyerno na mag-lockdown.
Natengga ang mga nakalinyang preparasyon sa Olympic Games at maging ang Philippine Cup ay naapektuhan, isang game pa lang sa PBA ay nasalto na ang mga laro.
Marso nagsimula ang quarantine period kaya halos anim na buwan nagarahe ang mga PBA players.
Pero nagawan ng paraan, nagbalik ang laro sa PBA kaya buenas ang Barangay Ginebra dahil sila ang nagkampeon.
Para matuloy ang Philippine Cup ay ginaya ng PBA ang NBA bubble.
Sa Clark, Pampanga gym ipinagpatuloy ang nasabing conference at matagumpay naman itong natapos.
Hinablot ng Barangay Ginebra ang titulo, una nilang kampeonato sa All-Filipino matapos ang 13 taong paghihintay.
Nakakuha naman ng mataas na grado ang PBA bubble mula sa Deputy Chief Implementer of the National Action Plan Against COVID-19.
Sinabi ni Secretary Vince Dizon karapat-dapat ang PBA na makakuha ng mataas na rating dahil sa maayos at matagumpay na pagdaos ng bubble.
Nagkampeon ang Barangay Ginebra matapos talunin ang TnT Tropang Giga sa Game 5 ng kanilang best-of-seven finals.
“Conservatively, siguro nasa mga 90 percent ang aking rating,” hayag ni Dizon. “Ang pinaka-importante ay walang nagkasakit.”
Nagtagumpay ang PBA bubble dahil sa pagsanib puwersa nina Commissioner Willie Marcial at Dizon.
“Yung PBA bubble ay hindi magiging success kung hindi dahil sa tulong at kooperasyon ng PBA leadership sa pamumuno ni Commissioner Willie,” ani Dizon.
Nabulabog ang liga sa kalagitnaan ng elimination round nang mag-positibo sa coronavirus ang referee at player ng Blackwater.
Nalutas naman agad at nagpatupad ng bagong guidelines upang makaiwas sa COVID-19. (ARABELA PRINCESS DAWA)