Sugatan ang isang incumbent Sangguniang Kabataan chairman nang pagtulungang bugbugin at barilin nang mapagtripan ng isang grupo ng mga kabataan sa bayan ng sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 19 Disyembre.
Batay sa ulat na ipinadala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, kay P/BGen. Valeriano De Leon, PRO3 director, kinilala ang biktimang si John Mico Yamzon, isang SK Chairman, at residente ng Bgy. Tigpalas, sa naturang bayan.
Nabatid na habang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo sa national highway sa Bgy. Salacot, nagkaroon siya ng pakikipagtalo sa mga suspek na kinilalang sina Karl Wyn Cruz, Jefferson Juatco, Almarvin Ruben, at Kier Wilmer Juatco.
Sinasabing minasama ng grupo ang hindi pagkaka-overtake ng sinasakyan nilang Mitsubishi L300 sa motorsiklong minamaneho ng biktima.
Pagdating sa isang gasolinahan, nagbabaan ang mga suspek at kinompronta si Yamzon hanggang magkaroon ng suntukan habang isa sa kanila ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima.
Matapos ang pamamaril kung saan tinamaan ang SK chairman sa kaliwang braso ay nagsitakas ang mga suspek samantalang isinugod ang biktima sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Kasunod ng isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), nasakote ang isa sa mga suspek na si Karlwyn Cruz, samantalang sina Jefferson Juatco, Almarvin Ruben at Kier Wilmer Juatco ay nakalayo sa pag-aresto at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nahaharap ang mga suspek ngayon sa kasong Frustrated Murder na ihahain sa korte.
(Micka Bautista)