KOMBINSIDO ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na nagkaroon ng crimes against humanity sa isinusulong na drug war ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda, may makatuwirang basehan ang impormasyong inihain sa ICC tungkol sa posibilidad na may naganap na crimes against humanity of murder, torture, serious physical injury, at mental harm sa Filipinas sa pagitan ng 1 Hulyo 2016 hanggang 16 Maros 2019.
Giit ni Bensouda, bukod sa drug-related killings, ilang indbidwal din ang nakaranas ng serious ill-treatment at pang-aabuso bago sila pinatay.
Batay sa mga report, may mga insidente rin na may ginahasang babae ang mga awtoridad dahil sa pagkakaroon umano ng relasyon sa mga taong sangkot sa illegal drug trade.
“Overall, most of the victims of the alleged crimes in question were persons reportedly suspected by authorities to be involved in drug activities, that is, individuals allegedly involved in the production, use, or sale (either directly or in support of such activities) of illegal drugs, or in some cases, individuals otherwise considered to be associated with such persons,” ayon sa ICC.
Sinabi ni Bensouda karamihan sa mga tinarget ay nasa drug watch list ng national o local authorities.
Ang ibang pinuntirya ay mga dati nang sumuko sa ilalim ng “Oplan Tokhang.”
Minaliit ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag ni Bensouda at kahit pa ano ang gustong gawin ng ICC ay hindi uubra bunsod ng hindi pagkilala ng Filipinas sa hurisdiksiyon ng ICC.
Inihalimbawa ni Roque ang naging ruling ng ICC sa isang kaso na hindi umusad dahil hindi nakipagtulungan ang isang bansa na naging miyembro ng ICC.
“Gawin nila ang gusto nilang gawin. Sinabi na natin, hindi natin kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC. So, kampante po kami na dahil sinabi na natin iyan ay ia-apply ng ICC iyong naging ruling nila sa isang kaso. Bakit ka pa magsisimula ng kaso, kung hindi ka naman makikipagtulungan, iyong bansa na naging miyembro ng ICC. Desisyon po iyan ng ICC mismo, pre-trial chamber doon po sa kaso na nais nilang mag-imbestiga laban sa mga Amerikano,” ani Roque.
“I am confident po na ia-apply din iyong prinsipyo pagdating kay Presidente,” giit niya.
Kaugnay nito, labis na nagalak sina Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate at Chairman Neri Colmenares sa nabistong basehan ng ICC na may naganap na crimes against humanity sa panahon ng administrasyong Duterte.
Anila, kahit itanggi nang todo ng administrasyon ang pahayag ng ICC, nakatutuwang may mga matang nakatutok sa mga kaganapan sa bansa at “validated” ang panawagang hustisya ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings sa panahon ni Duterte.
(R. NOVENARIO)