AYON kay Sean de Guzman, pangunahing bida sa Anak ng Macho Dancer, mula sa Godfather Productions ni Joed Serrano at sa direksiyon ni Joel Lamangan, nagsimula siya sa grupong Elevate (isang dance group), bago napunta sa Clique V (isang all male sing and dance group). Ang Clique V ay nasa pangangalaga ng 3:16 Events and Talent Management ni Len Carillo.
“Noong sumali po ako sa Circle of Ten, doon po ako nakita ni Nanay Len. Tapos, after po niyon, naging member na ako ng Clique V,” sabi ni Sean.
Ang Circle of Ten ay isang artista search. Naging produkto nito si Jennylym Mercado.
Tatlong taon nang member ng Clique V si Sean. Masasabi niya na mula nang maging member siya nito ay hindi siya nawawalan ng raket.
“Marami po kaming mga event, mall show, at nagkaroon na rin po kami ng concert,” anang binata.
Sa pagiging member ng Clique 5 ay mas na-enhance ang talent ni Sean. “Mayroon po kasi kaming acting and dance workshop. Nagbo-voice lessons din po kami.”
Nakatutuwa si Sean dahil sa kabila ng pagiging busy niya sa kanyang showbiz career ay nagagawa pa rin niyamg mag-aral.
“First year year college na po ako ngayon. Dapat po, second year college na. After ko po kasing gumradweyt ng high school, tumigil muna ako, kasi nagraket-raket po muna.”
At dahil gusto talagang makatapos at maging isang degree holder, kaya naman naisipan ni Sean na bumalik sa pag-aaral. Sa Lyceum of the Philippines siya nag-aaral taking up Culinary Arts.
Noong bata pa lang si Sean ay mahilig siyang manood ng mga teleserye. Kaya nagustuhan na rin niyang umarte, na naging dahilan para pasukin niya ang showbiz.
MA at PA
ni Rommel Placente