ni ROSE NOVENARIO
HINDI direktang sinagot ng Palasyo ang isyu na pakulo lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag dati na siya’y leftist.
Imbes tumugon sa tanong ng media kung gimik lang ni Duterte ang pagiging maka-kaliwa bago at matapos ang 2016 presidential elections, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na napundi ang Pangulo sa mahabang panahon na isinusulong ng mga rebeldeng komunista ang armadong pakikibaka.
Panawagan ni Roque sa mga rebeldeng komunista, ibaba ang armas at lumahok sa parliamentary struggle at iba pang legal na pamamaraan ng pakikibaka.
“Well, alam mo ang Presidente naman po prangka e, pumayag nga siya na maging kabahagi ng kanilang legal front, iyong naunang organisasyon ng Karapatan. Noong siya ay kumampanya bilang presidente, siya ang sinuportahan ng Makabayan Bloc, binigyan niya ng representative sa gabinete ang Makabayan bloc, ito po ay nagpakita na handang makipag-ugnayan at makipagbayanihan ang Presidente sa lahat ng mga Filipino kasama na itong Makabayan Bloc. Pero ang punto nga po ni Presidente, kailan ba titigil itong labanan? Bakit hindi pa kasi itigil na, ibaba na iyong kanilang mga armas at gawin na lang ang pakikibaka doon po sa kongreso at sa mga legal na pamamaraan?” ani Roque sa virtual Palace press briefing noong Huwebes.
Ngunit mismong patron niyang si Pangulong Duterte ay pasimuno sa red-tagging sa Makabayan bloc, na ang pagkaluklok sa Kongreso ay alinsunod sa probisyon sa ilalim ng partylist system sa 1987 Constitution.
Inamin kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpapadiskalipika sa Makabayan bloc sa susunod na eleksiyon ang isa sa mga paraan upang matanggal sila sa Kongreso.
“Isa ‘yan sa methods o paraan na puwede silang matanggal sa Kongreso. Dahil alam ninyo ang history nila, wala naman silang ginawa kundi batikusin ang gobyerno. Habang nandiyan sila lalong lumalakas ang CPP-NPA. Dahil sa legal fronts nga raw sila, mayroon silang legal cover, para bang sa kanila, puwede na nilang gawin ang gusto nilang gawin dahil legal fronts sila,” sabi ni Lorenzana.
Komento ng ilang political observer, kontrapelo ang mga pahayag nina Roque at Lorenzana, ang Presidential Spokesman ay para sa parliamentary struggle ng leftists habang ang Defense Secretary ay para sa pagpapatanggal sa Makabayan bloc sa Kongreso.
Kaugnay nito, binuweltahan ni ACT Teachers parylist Rep. France Castro si Lorenzana sa pagpapadiskalipika sa kanila sa 2022 elections.
“Hindi ang pagpapatanggal sa amin ang magpapahina o magpapatalo sa CPP-NPA kung iyon ang gusto nilang mangyari. Mas marami lamang mamamayan ang magagalit at lalaban sa administrasyong prayoridad ang atakehin ang mga lehitimong panawagan ng mamamayan sa gitna ng pandemiya at matinding krisis pang-ekonomiya,” aniya.