PATAY ang dalawa habang lima ang nadakip sa magkahiwalay na anti-narcotics operation sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong hanggang nitong Sabado, 12 Disyembre.
Ayon kay Central Luzon PNP Director Valeriano “Val” De Leon, nanlaban ang dalawang suspek na kinilalang si alyas Visaya at isang tinutukoy pa ang pagkakakilanlan, sa ikinasang entrapment operation ng San Isidro drug enforcement unit sa pamumuno ni P/Maj. Joel Dela Cruz na nagresulta sa kamatayan ng dalawang suspek sa Barangay Poblacion ng nasabing lugar dakong 10:40 pm noong Biyernes, 11 Disyembre.
Nakuha mula sa lyugar ng insidente ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang kalibre .45 baril, 30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P200,000, P2,000 marked money, 13 pirasong boodle money na ginamit sa operasyon, at sasakyang kulay abong Suzuki APV, may plakang TIZ-541.
Ayon kay P/Col. Marvin Joe Saro, ipinasuri sa crime laboratory ang mga ebidensiya kasama ang mga baril upang matukoy kung nagamit sa krimen habang ipinabrberipika sa LTO ang SUV upang mabatid kung galing sa karnap upang maabisohan ang tunay na nagmamay-ari nito.
Samantala, tiklo sa hiwalay na operasyon ang limang suspek sa isinagawang hiwalay na drug bust nitong madaling araw ng Sabado, 12 Disyembre, sa Barangay San Isidro ng Zaragosa PNP sa pamumuno ni P/Maj. Nelson Sarmiento.
Kinilala ang mga suspek na sina Alberto Regala, 32 anyos; Lester Destura, 30, kapwa residente sa lungsod ng Caloocan; Noel Pangilinan, 39 anyos; Jay-ar Grevamin; at isang 15-anyos na menor de edad.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang 24 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P50,000.
Inihanda na ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 laban sa mga akusado.
(RAUL SUSCANO)