NAAAMOY natin ang kaunting usok na maaaring magliyab at maging malagablab na apoy mula sa ibubunga ng mga bidding sa mga “module” na dapat gamitin muna ng ating mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.
Kuwento ng isa sa ating kabaro na nakasaksi ng ‘bidding’ diyan sa dulo ng Luzon, tila nagpipista ang mga gurong miyembro ng Bids and Award Committee (BAC) dahil sa rami ng materials at supplies na iniaalok sa mga supplier at mga contractor, dahil may pagkakataon silang ibigay ang kontrata sa makapagbibigay din sa kanila ng magandang komisyon.
Dangan kasi, imbes “printing job” o pag-iimprenta ng mga module ang ipabi-bid, nahati-hati ito sa mga materyales na kailangan para maimprenta ang modules, gaya ng printer, tinta, coupon bond, o papel atbp.
‘Di natin malaman ang naging rason nito, kung bakit pinahirapan ang ating mga guro sa pagpapalabas ng module na ipapamahagi sa ating mga mag-aaral na sa bahay lamang muna magsisipag-aral upang makaiwas sa CoVid-19. Ganoong napakabilis lamang kung ipaiimprenta kaysa silang mga guro pa ang gagawa.
Parang naging daan ito, para maturuan ang ating mga guro na sumama sa kalakaran ng komisyon (oops korupsiyon pala ang tamang salita), sa pamamagitan ng pagpabor sa alok o bid ng kilala nilang mga supplier o contractor.
Kung printing job lang kasi ang ipabi-bid, mapapadali ang pamimigay ng mga module sa ating mga estudyante kaysa kung bawat guro pa ang mag-iimprenta nito.
Sa sinasabi kong nangyaring bidding sa dulo ng Luzon, halagang P35 milyon lang naman ang inialok sa mga supplier o mga contractor na hinati sa limang lote. Meaning, limang kontrata ang na-bid-out o inialok sa bidding na nangyari noong huling linggo ng October 2020.
Sa limang sumaling suppliers at contractors, kataka-takang iisa lamang ang naka-corner ng mga kontrata. ‘Yon pa raw na mali ang pagkaka-intindi sa paraan ng bidding o bidding procedure, kaya dapat sa unang parte pa lamang ng bidding ay ini-disqualify na ng BAC.
Bukod kasi sa pagkakamali na sundin ang paraan ng bidding, kataka-taka rin ang presyo na inialok, sobrang pagkababa-baba. Kung kuwentahan daw ang pag-uusapan, siguradong mahinang klase ng materyales ang maisu-supply na ‘di mapapakinabangan ng ating mga mag-aaral.
Ang isa pa, balewala ito sa mga miyembro ng BAC, lalo kung may ilalaman sa mga kanilang bulsa ang maling bidder na kanilang ipanapanalo.
Maganda ang intensiyon o paraan ng module sa pagtuturo sa ating mga mag-aaral sa panahong ito ng pandemya. Pero mas maganda kung ang ipina-bid ay ang pag-iimprenta ng mga mismong module, siguradong mapupunta ang kontrata sa pinaka-mahusay na printer at pihadong maganda ang kalalabasan ng mga module na gagamitin ng mga estudyante sa probinsiyang mahina ang ‘internet.’
Paano nga naman magagawa ang mga module sa murang materyales na ide-deliver ng pinaburang supplier? E ‘di palpak lamang ang kalalabasan ng maiimprentang module ng ating mga guro.
‘Yang usok na ‘yan sa bidding sa Ilocos Norte oops sa dulong bahagi pala ng Luzon, kapag lumaki, magiging apoy. Lalo na kung sa maling supplier naibigay ang kontrata.
Abangan!