NITONG nakaraang linggo lang ay muli na namang nabulabog ang Bureau of Immigration (BI) matapos isiwalat ni Atty. Trixie Cruz – Angeles ang kanyang cryptic post sa social media tungkol sa “shake-up” daw sa ahensiya.
Ang dahilan daw…pastillas!
Bukod pa rito, isang propagandista na nagngangalang Mark Lopez ang kasunod na nagpaskil sa kanyang social media account na sinibak na rin sa kanyang puwesto si BI Commissioner Jaime Morente.
Parang apoy na kumalat sa buong kagawaran ang balita at nag-abang kung totoo ba o hindi ang balita.
Tayo man ay nagtaka at nagduda kung may bahid ba ng katotohanan o fake news lang ang balita.
Tila napakahirap itong paniwalaan dahil sa rami na rin ng indultong inabot ni Morente ay nananatili siyang matatag at ‘di natinag sa kanyang kinalalagyan!
Dagdag pa riyan ang minsang narinig natin sa mismong bibig ni Pangulong Duterte na sinabing “mahal niya si Commissioner Morente!”
“O saan ka pa?”
Gayonpaman, naging palaisipan sa lahat ang biglaang ‘cannot be reached’ ng kanyang Chief of Staff sa BI-OCOM na si Atty. Jess Castro.
Bagamat noon pa ay kapansin-pansin na ang unti-unting paghahakot ng personal na gamit ng nasabing COS ay talagang mahirap paniwalaan na aalis nang ganoon na lang at iiwanan ang kanyang bossing sa loob ng apat na taon.
Kung inyong matatandaan, naging paksa sa ating mga nakaraang kolum na may nakapagbulong na rin sa atin na isang “trusted guy” ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang nagbabadyang pumalit kay Comm. Morente sa BI.
Pirmado na nga raw ang appointment papers sa Malacañang at naghihintay na lamang ng anunsiyo galing sa Palasyo.
Pero wala naman tayong narinig na dahil sa isyu ng ‘pastillas’ kaya nagdesisyon na si PDigong na tapusin na ang pinagsamahan nila ng kanyang ‘paboritong’ komisyoner.
Disyembre a-kinse hanggang bago ang Kapaskuhan ang itinakdang petsa raw ng pag-aanunsiyo ng bagong papalit sa BI.
Mangyari man ito o hindi, hangad pa rin natin ang magandang kinabukasan ng Bureau sa darating na taon — 2021.
Para kay Commissioner Jaime Morente, nariyan pa rin ang ating mataas na paggalang o respeto sa kanyang liderato.
Kung sino man ang hahalili sa kanya, nawa’y magsilbi siyang isang mabisang gamot na magbibigay lunas sa ‘karamdamang’ nagpahina sa Bureau dulot ng nagdaang sigalot sa ahensiya.
Come December 15 onwards, ating abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com