LUMANG sawikain ang “justice delayed is justice denied.”
Pero kahit luma at gasgas na, nangyayari pa rin araw-araw.
Madali lang sabihin na ganoon talaga ang proseso sa burukrasya — ‘yan ay kung guilty ang akusado.
E paano kung wala naman kasalanan ‘yung tao at biktima ng sirkumstansiya pero nagtitiis kahihintay sa pirma ng isang awtorisadong tao?
Hindi ba’t agrabyado sila, sa kabila pa ng mga naaagrabyado.
Huwag na nating pahabain, ang tinutumbok ng ating kolum ngayon ay walang iba kundi ang Land Transportation Office (LTO).
Hindi natin maintindihan kung bakit patong-patong na dokumento ang nabibinbin sa tanggapan ni LTO Executive Director, Atty. Romeo Vera Cruz
Kung hindi tayo nagkakamali, si Atty. Vera Cruz ay itinalaga bilang LTO Executive Director and at the same time ay Chairman ng Anti-Red Tape Authority – Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery (ARTA EODB-EGSD) Committee.
At ‘yun ang ipinagtataka natin. Siya ang chairman ng ARTA committee sa LTO pero ang mga papeles sa kanyang tanggapan ay hindi gumagalaw — kahit gapang o usad man lang.
Ibig sabihin, ‘permanenteng stagnant’ ang mga papeles o dokumento kapag pumasok sa tanggapan ni Atty. Vera Cruz.
Hindi natin maintindihan kung anong kulang sa tanggapan ni Atty. Vera Cruz dahil parang ‘bearing’ na ayaw nang gumana…
Kulang ba sa grasa?!
Ilang libong show cause order kaya ang nakabinbin ngayon sa tanggapan ni Atty. Vera Cruz?!
Kung imbestigasyon sa LTO Internal Investigation Division (IID) ang pag-uusapan, wala tayong maipipintas. Mabilis silang umaksiyon. Pagpunta sa tanggapan ni NCR Regional Director Atty. Clarence Guinto, mabilis din siyang pumirma.
Pero nang dalhin sa tanggapan ni Atty. Vera Cruz,
para pirmahan, natulog na ang papeles.
Ano kayang klase ng pampaantok mayroon sa tanggapan ni Atty. Vera Cruz at ilang linggo o buwan na ang nakararaan ‘e ayaw umandar ang mga papeles?!
Masyado kayang malamig ang air-conditioning unit sa kanyang tanggapan kaya namumuo ang sebo at uric acid sa mga kamay at daliring hahawak sa bolpen para mapirmahan na ang mga dokumento?
Hindi na natin mabilang sa ating mga daliri kung ilang inosenteng nilalang ang naging biktima ng ganitong sistema sa burukrasya — RED TAPE!
Isang tanong lang po Atty. Vera Cruz — nahihirapan ka na bang pumirma sa mga papeles at dokumentong nanilaw na kahihintay sa iyo?!
Baka gusto mo nang magpahinga para ipasa na sa iba ‘yang luklukan mo?!
Karagdagang tanong lang po ulit ‘yan para sa LTO Executive Director and at the same time ay Chairman ng Anti-Red Tape Authority – Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery (ARTA EODB-EGSD) Committee.
Attention po ARTA Director General Jeremiah “Atty. My” B. Belgica — paki-check kung bakit natutulog ang ARTA ninyo sa LTO…
Please…