BUMILIS na ang internet signal sa gitna ng nararanasang pandemya.
Batay sa Nobymebre 2020 ulat ng Ookla, global leader sa mobile at broadband network intelligence, testing applications, at technology, para sa fixed broadband, ang bansa ay may average download speed na 28.69 Mbps, 262.71% increase mula sa download speed na 7.91 Mbps na naitala noong Hulyo 2016.
Sa mobile network overall performance, naitala ang average download speed na 18.49 Mbps, umangat nang 148.52% mula sa speed na 7.44 Mbps noong Hulyo 2016.
Ang consistent increase na ito sa internet ay naitala sa gitna ng CoVid-19 pandemic-related lockdowns na dumiskaril sa infrastructure roll-out at maintenance ng cell sites sa iba’t ibang lugar sa bansa mula noong Marso 2020.
Malaking bagay ang pag-angat na ito lalo pa’t nakaranas ang bansa ng mga kalamidad tulad sa pananalasa ng Ambo, Quinta, super typhoon Rolly, at typhoon Ulysses.
Apektado ng kalamidad ang Region II, NCR, CALABARZON, Central Luzon at Oriental and Occidental Mindoro, Quezon province, Bicol Region, Northern and Eastern Samar, CARAGA, Bukidnon at maging ang Davao del Norte.
Nagaganap ito sa gitna ng pagtatangka ng mga telco services na maabot ang 500% increase sa demand ng internet services dahil sa pangangailangan sa online work, education, at entertainment-related usage sanhi ng community quarantine guidelines.
Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa telco services na pabilisin ang internet speed ngayong taon.
Inaasahang mapag-iibayo pa ito dahil sa pagbabalikatan ng DILG at local government units sa pagpapabilis ng pagbibigay ng permits kaugnay sa pagtatayo ng cellular towers.
Ayon kay Globe President and CEO Ernest Cu, bumilis na ang proseso sa pagkakaloob ng permits kaya’t nakatutulong ito sa maayos na telco services.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, higit sa 2,200 applications for permits ng telco firms ang naiproseso sa taon 2020.
Samantala, pinag-iibayo ni Department of Information and Communications Technology (DCIT ) Secreatry Gringo Honasan ang programang Free Wi-Fi For All project sa lahat ng mga lalawigan upang mapagbuti ang online class learning experience ng teachers at students sa mga liblib na pook.
Nakatakdang pormal na ilunsad ng third telco na DITO Telecommunity, ang kanilang serbisyo sa Marso 2021 na magpapabuti sa serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa.