ni Tracy Cabrera
MAYNILA — May ‘reserbasyon’ si Brigadier General Rolando Fernandez Miranda sa paglisan niya sa Manila Police District (MPD) bilang hepe makaraang magsilbi sa Manila’s Finest sa loob ng walong buwan at 11 araw.
Gayonman, sa kabila ng pagiging hepe ng sandaling panahon at sa gitna pa ng pandemyang coronavirus, naging mahusay ang paninilbihan ni Miranda at tunay na iniangat niya ang lokal na pulisya para magbalik ang tiwala ng mamamayan.
Bukod dito, nagawa rin niyang maipaaresto ang pinakamalaking bilang ng mga kriminal at maipatupad ang mahigpit na kampanya laban sa droga tulad ng pag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng ipinaiiral na ‘gera kontra droga.’
Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Miranda na lilipat siya sa Police Regional Office sa Western Visayas (Region VI) habang dala-dala ang kanyang karanasan sa Maynila.
“My only regret is I’ll be retiring next year and I know I still have it in me. Yet the rules must be obeyed (in retirement) and I have to retire from the (police) force knowing I did my best the same way our president is trying to fulfill his promise to the Filipino people of serving the country to his utmost abilities,” aniya.
Humalili kay Miranda si Central Luzon (PRO3) director B/Gen. Bernard Leo Francisco, na mamumuno sa Manila’s Finest simula 1 Disyembre ngayong taon.
Nagbigay si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng apat na espesipikong kautusan sa bagong hepe ng MPD chief: walang police involvement sa illegal drugs; walang kidnapping: walang sugal, mula video karera hanggang sakla, at walang inuman sa mga pampublikong lugar.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang turnover ceremony sa MPD headquarters sa United Nations Avenue, pinuri ng alkalde ang performance ni Miranda.
Nagpasalamat naman ang outgoing MPD chief kay Mayor Isko sa kanyang mahusay na pamumuno at pagpapatupad ng mga polisiya sa lungsod, partikular sa gitna ng CoVid-19.
“In Manila, the police do not need to plan and study the situation. It’s the local government’s ideas and policy that form the written code that guides their day-to-day work. The job of the police is only as support group,” ani Miranda.
Samantala, sa pagsalubong kay Francisco, pinaalalahanan ni isko ang lokal na pulisya na may pinangangalagaang imahen ang Manila’s Finest —yaong pagiging pangunahing pulisya sa buong bansa.
Tinukoy niya ang nakasaad na haligi ng MPD: “In these halls, men know how to die.”
Tumugon si Francisco sa pamamagitan ng pangakong tutuparin niya ang kanyang tungkulin para mapangalagaan ang publiko at maipatupad ang batas sa buong lungsod.