NANGANGAMBA sa kanilang kalusugan ang mga kawani ng House of Representatives kaya umaapela sa Department of Health (DOH) na pansamantalang isara ang tanggapan habang nagsasagawa ng paglilinis at contact tracing matapos mabunyag ang 98 kompirmadong kaso ng CoVid-19 mula noong 10 Nobyembre.
Ayon sa isang kawani na tumangging magpabanggit ng pangalan, kamakalawa lamang kinompirma ni House Secretary General Mark Llandro “Dong” Mendoza na mayroong 98 kompirmadong kaso.
Ibig sabihin, mula 10 Nobyembre hanggang 30 Nobyembre ay walang ginagawang contact tracing kaya malaki ang tsansang nagkaroon pa ng hawaan.
Magugunitang 4 Nobyembre nang nag-resume ang sesyon ng Kamara matapos ang kanilang break at sa loob ng mahigit dalawang Linggo naitala ang 98 kompirmadong kaso.
Giit ng mga kawani, hindi malayong mangyari na nakuha ang virus sa Kamara dahil nauna rito ay mayroong 40 iniulat na kaso sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na sinasabing nakuha nila ang virus sa kanilang workplace.
Anila, taliwas ito sa paliwanag ni Mendoza, na sa labas ng komunidad at hindi sa loob ng Kamara nakuha ng mga empleyado ang virus.
“We are appealing to House Speaker Velasco, hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases pa sa buwan lang ng Nobyembre, baka kailangan munang isara at magkaroon ng disinfection, hinihingi din namin ang transparency ng House Leadership, bakit ngayon lang kayo nagre-report, ang laki na ng cases,” diin ng kawani.
Pinuna ang mga empleyado na kapansin-pansin ang pagre-relax ng Kamara sa CoVid-19 monitoring kaya biglang lobo ang kaso.
Ang apela ng mga empleyado, isara ang Batasan Complex kahit pagmamatigas ni Mendoza na walang outbreak ng CoVid kaya hindi nila ikinokonsidera ang pagpapasara nito.
Binira ng mga kawani ang late reporting ng Kamara sa mga confirmed cases sa CESU.
Anila, hindi sana nagdudulot ngayon ng takot kung regular ang reporting at nagkakaroon ng regular na contact tracing.
“sa loob ng isang buwan walang comprehensive report na isina-submit ang Kamara sa CESU, ‘yung mga nag-positive na asymptomatic baka gumaling na at nakapanghawa na ng iba, kung ganito na kalaki ang problema, sana ay aminin na ng House Leadership para magkaroon na ng intervention ang DOH, huwag nilang pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa may mamatay na naman,” panawagan ng mga empleyado.
Sa pinakahuling ulat, lima na ang naitatalang binawian ng buhay dahil sa CoVid-19 sa Kamara, tatlo ay mga empleyado at dalawang mambabatas.
Ang Kamara ay mayroong 8,000 employees kasama ang mga contractual services at mga guwardia ngunit sa nasabing bilang, 2,000 lamang ang naisasailalim sa testing.
Samantala, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, isang mobile testing unit ang idi-dispatch ng lungsod sa Batasan Complex.
Aniya, kailangan magkaroon ng agarang contact tracing upang ma-isolate ang mga posibleng carrier para maprotektahan ang komunidad.
Sa ipinalabas na report ng CESU, sa 98 empleyado ng Kamara na nagpositibo sa CoVid-19, tatlo sa naging close contact ang tinamaan na rin ng virus; sa 98 kaso, 59 ang residente ng Quezon City habang ang 39 ay sa ibang lugar nakatira.
Muling iginit ni CESU Director Rolly Cruz ang kahalagahan ng 24-hour reporting na itinatakda ng DOH dahil sa ganitong paraan umano ay makokontrol ang pagkalat ng virus.
Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na itinatakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern” kabilang dito ang mga sakit gaya ng CoVid-19 na maitatala sa mga workplace o pinagtatrabahuan.
Ang hindi tatalima rito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng isang buwan, ngunit kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang magiging liable, na ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.