PATAY ang alkalde ng bayan ng Los Baños, sa lalawigan ng Laguna matapos barilin sa loob ng munisipyo ng nabanggit na bayan kagabi, 3 Disyembre.
Ayon sa mga nakasaksi sa munisipyo, binaril si Mayor Cesar Perez, dating nagsilbi bilang bise gobernador ng Laguna, dakong 9:00 pm.
Agarang dinala si Perez sa HealthServ Medical Center, sa naturang bayan upang malapatan ng lunas ngunit namatay din kalaunan matapos malagay sa kritikal na kondisyon.
Kinompirma ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang insidente at ang pagkamatay ni Mayor Perez.
Noong Mayo 2017, binaril at pinatay din ng dalawang lalaki ang nakababatang kapatid ng alkalde na si Ruel Perez, noon ay 48 anyos.
Sakay noon si Ruel ng motorsiklo kasama ang isa pang lalaki, nang barilin ng mga suspek na nakasakay din sa motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Maahas, sa bayan ng Los Baños.