DINAKIP ng mga awtoridad, kasama ang isang-buwang gulang na sanggol, si Amanda Lacaba Echanis, nitong madaling araw ng Miyerkoles, 2 Disyembre, sa bayan ng Baggao, lalawigan ng Cagayan.
Si Amanda ay sinabing, anak ng pinaslang na aktibistang si Randall “Randy” Echanis.
Bago mapaslang, nagsilbing chairman ng Anakpawis ang nakatatandang Echanis.
Sa pahayag ng Anakpawis, sinabing inaresto si Amanda dahil sa kasong ‘illegal possession of firearms and explosives’ na karaniwang kasong isinasampa sa mga aktibista.
Ayon sa abogadong si Atty. Luchi Perez, kasalukuyang nakakulong si Amanda sa Camp Adduro sa lungsod ng Tuguegarao kasama ang kaniyang isang-buwang gulang na anak.
Kinompirma ni P/BGen. Crizaldo Nieves, direktor ng PNP-Police Regional Office 2, ang pagkakadakip kay Amanda at sinabing nagsagawa ang mga awtoridad ng “anti-criminal enforcement” noong Miyerkoles ng madaling araw, may dala umanong search warrant ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay P/BGen. Ildebrandi Usana, tagapagsalita ng Philippine National Police, may lagda ng isang hukom ang inihaing search warrant para sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, kinondena ng Anakpawis ang pag-aresto kay Amanda at naniniwala silang tinaniman ng ebidensiya kaya siya dinakip.
Nananawagan ang grupo na agarang mapalaya, dahil sa ‘just, humanitarian grounds’ si Amanda, na kapapanganak pa lamang sa kanyang unang supling.
Dagdag ng Anakpawis, kasabay ng pagkakadakip kay Amanda ang pagsalakay sa bahay ni Anakpawis Cagayan Valley Chairman Isabelo “Buting” Adviento sa bayan din ng Baggao.