BINUBUHAY ng ilang pulis sa Zamboanga del Sur ang kilabot na Kuratong Baleleng Gang.
Ibinunyag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address kamakalawa.
Ayon sa pangulo, ito rin ang grupo na humahawak sa gang sa Ozamiz batay sa nabasa niyang briefer mula sa security officials ng kanyang administrasyon.
“Ngayon, itong mga pulis — kayong mga pulis, p**… May mga pulis diyan sa Zamboanga del Sur na nagtatayo na parang reviving the — itong gang ni — humahawak sa Ozamiz? Kuratong Baleleng. Mayroon diyan, I read sa briefer mo galing ‘ata sa iyo iyan,” ayon sa pangulo.
Binantaan ng Pangulo ang mga pulis sa Zamboanga del Sur, “Better shape up o kung gustong mamatay ng maaga.”
Kahit patayin aniya ng mga pulis sina Interior Secretary Eduardo Año at Defense Secretary Delfin Lorenzana, mananatiling buhay ang republika ng Filipinas.
“Better shape up… Gusto mamatay nang maaga. Hindi n’yo kaya ang gobyerno. Patayin mo man si Año, patayin mo ako, patayin mo si ano, Lorenzana, buhay pa rin ang Republika ng Filipinas,” anang Pangulo.
Naging pamoso ang Kuratong Baleleng Gang noon bilang anti-communist group na binuo ng militar noong dekada ‘80 sa pangunguna ni Octavio “Ongkoy” Parojinog, Sr., ngunit sa kalauna’y naging organisadong sindikatong kriminal na nasangkot sa kidnapping, smuggling, drug trafficking at robbery-hold-up noong dekada ’90. (ROSE NOVENARIO)