BINIGYANG katuwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang red-tagging na ginawa ni Southern Luzon Command (Solcom) chief at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesman Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., laban sa female celebrities kamakailan.
Iniugnay ng Pangulo ang babala ni Parlade sa pagkamatay ng umano’y medic ng New People’s Army (NPA) na si Jevilyn Cullamat, bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, sa isang military encounter sa Surigao del Sur kamakailan.
“E sabi nga ni Parlade sa Armed Forces, delikado kayong mamatay kayo sama-sama kayo riyan. O kita mo ‘yung kay [Cullamat] — Cullamat. O ‘di anak niya mismo, babae pa. A sigurado patay ‘yan. Babae ilaban mo sa sundalo? A patay sigurado,” anang Pangulo sa kanyang public address.
“Walang red tagging-red tagging. Talagang komunista kayo, talagang kasama kayo. Time will come,” anang Pangulo.
Matatandaan noong nakaraang buwan ay naging kontrobersiyal ang red-tagging ni Parlade kina Angel Locsin, Catriona Gray, at Liza Soberano dahil sa pagsusulong nila ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan na adbokasiya rin ng militanteng Gabriela Women’s Party.
“Kayong mga Filipino na mga dreamers, you dream of a country, gusto ninyo ano, ‘yung utopia. It’s not possible here. You have to realize that,” sabi ng Pangulo.
Inulan ng batikos ang ginawang pagparada ng militar sa mga larawan ng labi ni Jevilyn na may hawak na armas at nasa background ang mga nakompiskang paraphernalia sa umano’y kampo ng mga rebeldeng NPA. (ROSE NOVENARIO)