SINAMPAHAN ng kasong kriminal ang isang dating kagawad ng Barangay Calindagan, sa lungsod ng Dumaguete, lalawigan ng Negros Oriental, matapos magpanggap na dentista.
Kinilala ang suspek na si Ronnie Pasunting, 60 anyos, isang dental technician assistant, na nadakip sa entrapment operation na ikinasa ng pinagsanib ng puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Negros Oriental, lokal na pulisya, at Highway Patrol Group (HPG), matapos makatanggap ng sumbong ang Philippine Dental Association (PDA) sa lalawigan.
Ayon kay P/Lt. Col. Ariel Huesca, hepe ng CIDG-Negros Oriental, huli sa akto ang suspek nang magpanggap bilang pasyente ang isang pulis sa loob ng kanyang dental laboratory sa naturang barangay.
Nagpadala ng kinatawan ang PDA sa pagdakip sa suspek.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang P5,500 marked money, improvised na resibo, compressor, at iba pang dental paraphernalia.
Ani Huesca, nauna nang nagreklamo ang PDA sa ilegal na gawain ng suspek nitong Marso 2020, ngunit dahil sa pandemya, ngayong buwan lamang nila naikasa ang entrapment matapos ang serye ng surveillance.
Dagdag ni Huesca, 18 taon nang nagpapanggap na dentista si Pasunting.
Sinmpahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9484 o The Philippine Dental Act of 2007 ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng CIDG.