“YOU can’t teach an old dog new tricks.”
Ito ang kasabihan na angkop kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil aminado ang Palasyo, sa edad niyang 75 anyos ay hindi na mababago ang hilig niyang magpakawala ng ‘green jokes.’
Nagpaalala ang Commission on Human Rights (CHR) kay Pangulong Duterte na itigil ang pagiging “sexist at misogynistic” at kinondena ang pagturing na normal ang ‘sex jokes’ at pagturing sa kababaihan bilang ‘sex objects’ gaya nang pakikipagbiruan ng Punong Ehekutibo sa isang lokal na opisyal sa Camarines Sur sa ginanap na situation briefing sa epekto ng bagyo sa lalawigan, kamakailan.
Depensa ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na puwedeng magbago si Pangulong Duterte sa kanyang edad pero walang malisya ang mga biro niya.
Malinaw aniyang katibayan ang track record ng Pangulo bilang alkalde ng Davao City sa loob ng halos 30 taon ay naging model city ang siyudad sa aspekto ng “upholding and asserting women’s right, reproductive rights and providing them security against domestic violence.”
Panawagan ni Roque sa mga Pinoy, huwag gayahin ang mga Amerikano na binibigyan ng malalim na kahulugan ang mga biro.
“Alam ninyo, let’s not give too much meaning to the jokes of the President. Ganoon lang talaga si Presidente at hindi na siya pupuwedeng magbago because he’s already in his seventies. Pero wala pong any malice ang mga joke niya and he stands by his track record lalong-lalo na nang siya po ay mayor ng Davao City for almost thirty years,” ani Roque.
“Makikita po natin na Davao really stands out as a model city pagdating po roon sa upholding and asserting women’s right, reproductive rights and providing them security against domestic violence. Malinaw na malinaw po ang record ni Presidente, so ang pakiusap ko po, huwag tayong parang Amerikano. Iyong mga Amerikano kasi lahat binibigyan ng napakalalim na kahulugan, pero rito po naman sa Filipinas let’s take a joke for what it is – a joke.” (ROSE NOVENARIO)