HINIHINALANG inabandona ang isang bagong silang na sanggol na natagpuang nasa loob ng isang bag sa tapat ng isang bahay sa bayan ng Imus, sa lalawigan ng Cavite, nitong Martes ng umaga, 24 Nobyembre.
Ayon sa netizen na si Winnie Lyn De Leon, narinig nila ng kaniyang kapitbahay ang pag-iyak ng sanggol na iniwan sa tapat ng isang bahay sa subdivision.
“Newborn, kasi may umbilical cord pa no’ng makita,” ani De Leon sa isang panayam.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang isang lalaking nakabisikleta na nag-iwan sa sanggol dakong 3:30 am ngunit nakita nila ang sanggol na lalaki bandang 11:00 am nang umiyak ang bata.
“Ang sakit, kasi magulang din po ako,” pahayag ni De Leon na may dalawang anak.
Nakita ang bagongv silang na sanggol sa loob ng isang kulay lilang bag katabi ang isang baby bottle na may timplang gatas.
Agad dinala ng magkakapitbahay sa barangay hall ang sanggol upang malinisan at mabihisan.
Samantala, sinabi ni Glenda Obligacion, social worker in charge for adoption cases ng bayan ng Imus na maayos na ang kondisyon ng sanggol.
“Mahimbing tulog niya ngayon. Binabantayan siya ng house parents na naka-duty,” ani Obligacion sa parehong panayam.
Payo niya sa mga magulang na may pinagdaraanan huwag nilang basta na lamang iwan ang kanilang anak kung saan-saan lang.
“Kung talagang may pinagdaraanan, hindi na kayang buhayin ‘yung bata, decided silang i-give up ang bata, sana po makipag-coordinate na lang sa amin rather than ilalagay somewhere lang. Lalong magiging risky ang kalagayan ng bata,” sabi niya.
Sakaling walang kumuha sa bata, aasikasuhin na ng CSWD ang proseso para sa pag-ampon sa baby.