BINAWIAN ng buhay ang isang 51-anyos abogado nang pagbabarilin ng dalawang suspek habang papasok sa kaniyang opisina sa Barangay Kasambagan, lungsod ng Cebu, dakong 1:30 pm nitong Lunes, 23 Nobyembre.
Kinilala ni P/Maj. Dindo Juanito Alaras, hepe ng Mabolo Police Station, ang biktimang si Atty. Joey Luis Wee na dalawang beses tinamaan ng bala ng baril sa kaniyang katawan.
Agad dinala si Wee sa isang pribadong pagamutan ngunit namatay din kalaunan habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na kabababa ng abogado sa kaniyang sasakyan at paakyat sa kaniyang tanggapan sa Altchi Building nang pumasok ang dalawang hindi kilalang lalaki sa loob ng gate saka binaril ang biktima.
Tumakas ang mga suspek sakay ng isang getaway motorcycle.
Ani Alaras, patuloy silang nagsisiyasat upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ang kanilang motibo sa likod ng pamamaslang.
Dagdag niya, titingnan nila ang mga kasong hinawakan ng abogado upang magkaroon ng ‘lead’ ang kanilang imbestigasyon.
Nagsilbi si Wee bilang abogado ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa kontrobersiyal na pagbili ng 1,800 poste ng ilaw sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu noong 2007.
Tagapagtanggol rin siya ng mga ahente at civilian assets ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Central Visayas, na sangkot sa pagpapasabog ng isang van na may sakay na mga empleyado ng isang resort noong 2002.
Samantala, mariing kinondena ni Atty. Regal Oliva, pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu City chapter, ang pag-atake kay Wee.
Nananawagan ang IBP Cebu City sa mga ahensiya ng gobyerno na agarang bigyan ng akisyon ang kaso at mabigyan ng hustisya ang karumaldumal na pamamaslang kay Wee.
Sa imprmasyon sa website ng kaniyang law firm, nagtapos ng kursong Political Science noong 1990 si Wee bilang cum laude mula sa University of San Carlos sa lungsod ng Cebu.
Nag-aral siya ng abogasiya sa San Beda College sa Maynila at nagtapos noong 1994.
Noong isang buwan, nakaligtas ang abogadong si Atty. James Joseph Gupana mula sa pananambang sa lungsod ng Lapu-Lapu.
Ayon sa datos, naitalang hindi bababa sa 13 abogado ang pinatay sa lalawigan ng Cebu simula noong 2004.