NAITALA ang unang kaso sa ilalim ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 laban sa dalawang katutubong Aeta mula sa lalawigan ng Zambales dahil sa hinalang sangkot sila sa barilang nauwi sa kamatayan ng isang sundalo noong Agosto ng taong kasalukuyan.
Ayon sa manipestasyon ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), kinatawan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa anti-terror law.
Ipinahayag ng NUPL, dinakip sina Japer Gurung at Junior Ramos habang inililikas ang kanilang mga pamilya mula sa kanilang ancestral land sa Sitio Lumibao, Barangay Buhawen, sa bayan ng San Marcelino, sa lalawigan ng Zambales, dahil sa patuloy na operasyon ng militar.
Dagdag ng grupo, sinampahan ng kaso ang dalawa sa Olongapo Regional Trial Court at ikinulong sa Olongapo City Jail.
Bukod umano sa paglabag sa Anti-Terrorism Act, kinakaharap din nina Gurung at Ramos ang kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ani Atty. Edre Olalia, pangulo ng NUPL, sinita ng mga elemento ng 73rd Infantry Division of the Philippine Army ang dalawang inaakusahang Aeta at ang kanilang mga pamilya; tinaniman ng mga armas at pampasabog, at pinagbintangan sina Gurung at Ramos umano’y mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Nakasaad sa isang bahagi ng manipestasyon ng NUPL, pinahirapan ang mga biktima, sapilitang pinakain ng dumi ng tao, at kalaunan ay kinasuhan ng paglabag sa Section 4(a) ng RA 11479, at iba pang mga krimen.
Natanggap nina Olalia mula sa NUPL-Central Luzon ang impormasyong kaya sinampahan ng kaso ang mga katutubong Aeta dahil sa pagkamatay ng isang sundalo sa isang enkuwentro laban sa mga NPA sa nasabing lugar.
Nakatakdang magsagawa ng preliminary conference ang Korte Suprema sa 26 Nobyembre upang talakayin ang mga isyu na kasama sa oral argument mula sa mga petisyong nakahain kontra sa anti-terror law.