NAKATANGGAP ng maraming batikos sa social media si Mayor Jefferson Soriano ng lungsod ng Tuguegarao, lalawigan ng Cagayan, matapos matuklasan ng mga netizen na wala siya sa lungsod at nagdiwang ng kaniyang kaarawan kasama ang kaniyang pamilya sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ibinahagi (share) ng maraming Filipino social media users ang ngayon ay binura nang larawan sa Instagram ni Bea Soriano-Dee, anak ng alkalde, na isang negosyante at dating modelo.
Sa Instagram post ni Soriano-Dee noong 11 Nobyembre, makikita ang larawan ng nakangiting mag-ama sa selebrasyon ng kaarawan ng alkalde sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Soriano, isang retiradong opisyal ng Philippine National Police, humingi muna siya ng permiso mula kay Cagayan governor Manuel Mamba para sa kaniyang ‘out of town trip.’
Kabisera ng lalawigan ng Cagayan ang lungsod ng Tuguegarao, na kasalukuyang isinailalim sa state of calamity dahil sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong Ulysses.
“Yes, nagpaalam po ako kay governor dahil hindi naman po tinatamaan ito ng bagyo. There was no typhoon signal so I asked permission from the provincial government. Umalis po ako rito last Sunday afternoon,” paliwanag ni Soriano sa Laging Handa online press briefing.
Dagdag ni Soriano, sinubukan niyang umuwi ng Tuguegarao nang magsimula nang hagupitin ng bagyo noong 12 Nobyembre, ngunit sarado umano ang Bocaue interchange sa NLEX.
Samantala, sinabi ni Undersecretary Jonathan Malaya, tagapagsalita ng DILG, bineberipika ng kagawaran ang mga ulat kaugnay ng biyaheng ito ni Soriano.
Iisyuhan din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng show cause order si Soriano upang pagpaliwanagin kung bakit wala siya sa kaniyang lungsod nang tamaan ito ng bagyo.
Ani Malaya, ang alkalde ang ama ng lungsod at hindi maaaring basta na lamang siya aalis sa gitna ng krisis upang magdiwang ng kaniyang kaarawan.
Sinabi rin ng opisyal ng DILG na ayon sa Oplan Listo, kailangang maging alerto ang mga alkalde 48 oras bago mag-landfall ang bagyo sa kaniyang nasasakupan, at matapos ang bagyo upang magsagawa ng relief operations.
Dagdag niya, hindi makatuwiran ang pagdiriwang ng kaarawan upang huwag sumunod sa mga protocol ng Oplan Listo.