BINIGYAN katuwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabagal na pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo, takot makasuhan sa Ombudsman ang mga opisyal ng pamahalaan kaya kailangan munang hintayin ang assessment sa pinsala ng kalamidad bago maglabas ng pera.
“Istorya lang ‘yan, actually. Kailan pa ba — kailan pa ba na ito tumakbo rin ang gobyerno na mabilis? You go right away and spend money. You land there with the Ombudsman,” aniya sa panayam ng media sa Pili, Camarines Sur kahapon.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasunod ng mga pagbatikos ng publiko sa makupad na pagtugon ng gobyerno sa kalamidad.
Sa kabila ng kritisismo sa logging, mining, at quarrying bilang ugat ng malawakang pagbaha sa Luzon, climate change ang itinurong dahilan ni Pangulong Duterte.
Aniya, ang mainit na klima sa Pacific Ocean ang dahilan kung kaya malakas ang water vapor at nabubuong ulan.
Binigyang diin niya umano sa katatapos na virtual ASEAN Summit ang kahalagahan na tugunan ang climate change.
Gumamit umano siya ng matatapang na lengguwahe sa ASEAN Summit para ipunto kung ano ang ginagawa ng ibang tao na nagdudulot ng global warming.
Nakadedesmaya ayon sa Pangulo na nasisisi ang Filipinas sa global warming gayong kakaunti lang naman ang pabrika sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)