PINUNA ni Senator Panfilo Lacson ang “disparity” o unfair na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga kongresista na tinukoy niyang bilyon- bilyong piso ang inilaan sa isang distrito sa Davao, sa Benguet, Albay, at Abra habang sa ibang distrito ay ilang milyon lamang.
Ayon kay Lacson, “This is just to point out the disparity in the distribution of the budget. ‘Yun ang honor roll. Horror roll… I just want to point that out, bakit ganoon ang disparity? What’s in those districts that would merit those appropriations?”
Sa paghimay ng Senado sa proposed P4.5 trilyong national budget, sinabi ni Lacson na kitang-kita ang malaking diperensiya sa laki ng budget sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.
Inihalimbawa ni Lacson ang isang Distrito sa Davao may budget sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon, sa Albay ay P7.5 bilyon, sa Benguet ay P7.9 bilyon habang sa Abra ay P3.75 bilyon.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito ngunit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte; sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda; sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Habang naglalakihan ang ilang distrito ay may kongresista naman na nakatanggap ng P42 milyon.
Sa laki ng budget na natangap ng mga kongresista na sinabi ni Lacson na nasa ‘horror roll’ aminado ang senador na duda siya kung maipatutupad ang mga bilyong halagang infrastructure projects.
“The absorptive capacity, kasi kung sa isang district ‘yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district could implement P15.351 billion of infrastructure projects,” ani Lacson.
Maging si Senate President Tito Sotto ay naalarma rin sa puna ni Lacson sa paghahati hati ng alokasyon sa 2021 budget.
“Usually kasi sa pinagdaanan kong budgets, ‘yung mga districts, ‘di masyadong nagkakalayo ang amounts ng funding nila, especially sa DPWH. Bago sa akin ito na mayroong ilang district na saksakan nang lalaki ang amount,” paliwanag ni Sotto.
Matatandaan, sa House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque representative at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay-pantay na infrastructure allocation sa budget. Inakusahan ng nasabing ‘alyansa’ si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.
Sa ilalim ng pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamra ang 2021 budget.
Tinangkang hingan ng reaksiyon si Velasco ukol sa ibinunyag na ‘horror roll’ appropriations ni Lacson ngunit tikom ang bibig ng House Leadership sa isyu.