Thursday , December 26 2024

Ulysses mas ‘matindi’ kaysa Ondoy

 HATAW News Team

BINUHAY ng bagyong Ulysses ang ‘multo’ ng bagyong Ondoy nang hambalusin ng rumaragasang hangin at ulan ang Metro Manila, Rizal at iba pang lugar sa bansa na apektado ng pananalasa ng bagyong may international name na Vamco, simula nitong Miyerkoles , 11 Nobyembre ng gabi hanggang kahapon.

Gaya noong Ondoy, Marikina ang iniulat na pinakamatinding sinalanta ng Ulysses, higit ang Provident Village sa Barangay Tañong, na lumubog sa maputik na baha, at inabot ang bubong at ikalawang palapag ng mga bahay sa nasabing subdibisyon.

Walang nagawa ang mga residente kundi ang umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang mga tahanan upang makaligtas sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Unang ini-rescue ang mga nanay na may sanggol sa pinakadulong bahagi ng subdibisyon.

Umasa naman sa maagang rescue ang pamilya Bolima, na nasa second floor ng kanilang bahay dakong 8:00 am dahil sa takot na tumaas pa ang baha, bukod pa sa wala silang pagkain at tubig.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, 223 katao mula sa Provident Village ang nasagip hanggang 7:00 p.m. kahapon.

Halos 10,000 katao ang nabigyan ng silungan sa 49 evacuation centers.

Bukod sa nasabing bilang, mayroon pang iba na hindi nabibilang dahil nagpunta sa kanilang mga kaanak, o sa mas ligtas na lugar. May iba rin na natulog muna sa kanilang kotse at naghihintay na bumaba ang maputik na baha.

“Nagbalik ang alaala at bangungot ng Ondoy. Naghanda kami para sa bagyong ito, pero gawa ito ng kalikasan. Kailangan talagang pagtuunan ng pansin ang isyu ng climate change at ilagay ito sa priority programs,” ani Teodoro.

Gaya ng ibang local government units (LGUs), sagad na rin ang kanilang  pondo at iba pang pinagkukunan kaya humiling siya ng rescue workers mula sa pambansang pamahalaan.

Aniya, nakipag-ugnayan sila at humiling ng pakikipagpulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Miyerkoles ng gabi. Kapwa sumang-ayon ang dalawang ahesniya na magtalaga ng rescue sa komunidad na lumubog.

Ngunit naging mahirap ang pagsagip sa mga barangay ng Nangka, Tumana, at Malanday dahil sa masisikip na daanan, malakas na agos ng tubig, at mga daanan na nahaharangan na ng mga kawad ng koryente dahil sa mataas na baha.

Nanawagan si Teodoro sa buong Marikina na magtulungan at humingi ng tulong sa mga residenteng hindi naapektohan ng bagyo na magbahagi kung ano ang puwede nilang maibigay.

“We must also take into account the mental well-being of our countrymen because they were traumatized and stressed due to calamities. We need to help them recover and become productive,” paalala ni Teodoro.

 

MABABANG LUGAR
SA QUEZON CITY
INABOT DIN NG BAHA

HINDI kukulangin sa 4,000 pamilya, or 20,000 katao ang inilikas sa 57 silungan kahapon dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa ilang bahagi ng Quezon City.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagpakawala ng 341 millimeters ulan si Ondoy noong 2009 sa loob ng anim na oras at 455 mm sa loob ng 24 oras sa Metro Manila. Mas marami iyon kaysa 153 mm na ibinuhos ni Ulysses sa loob ng 24 oras.

Nagpadala ng mga bangka upang sagipin ang mga stranded na residente sa Barangay Bagong Silangan, na ang baha ay umabot sa baywang.

Ang mga residente naman sa Vista Real sa Barangay Batasan ay inilikas sa pamamagitan ng modernong balsa na hinihila ng jetski.

Dating binabaha
tuwing may bagyo
NAVOTAS UMAYUDA
SA MARIKINA

MATAPOS masigurong ligtas na nakauwi sa kanilang mga bahay ang daan-daang pamilya ng Navotas City na inilikas mula sa coastal areas sa pananalasa ng bagyong Ulysses, nagpadala si Mayor Toby Tiangco ng rescue team sa Marikina City para tumulong sa pagsagip.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang team mula sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ay makaranasan na sa anti-disaster operations, kasama ang rescue boat at utility truck para tumulong sa pagsagip ng mga residenteng binaha sa Marikina.

“Dahil nasiguro na natin na ang aming mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin na unang nailikas bago ang pananalasa ng bagyo ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan nang ligtas, napagpasyahan kong oras na upang matulungan naman ang iba, sa labas ng lungsod,” pahayag ni Tiangco.

Si Mayor Tiangco at kanyang kapatid na si Rep. John Rey Tiangco ay nagsikap na magtayo ng maraming pumping stations na umabot ngayon sa 54 units na nakaposisyon sa buong lungsod dahilan upang mapigilan ang pagbaha.

Pinasalamatan ng alkalde ang city engineering office sa pagtitiyak na gumagana lahat ang 54 ‘bombastic’ pumping stations.

Dagdag niya, bukod sa 54 bombastic stations sa lungsod, mayroon din silang 3.6 kilometrong dike mula Bagumbayan North hanggang Tangos South na nagpoprotekta sa mga kabahayang nakaharap sa Manila Bay.

Samantala, sa katabing mga lungsod ng Caloocan, Malabon, at Valenzuela ay maraming mga pamilyang apektado ng bagyo ang inilikas patungo sa mga itinalagang evacuation centers.

“Here in Valenzuela, we are sandwiched by two rivers – Meycauayan River and Tullahan River – and we evacuated 400 families living near these two rivers and our timely action has prevented possible casualties,” ani Mayor Gatchalian. (ROMMEL SALES)

PASAY LGU
NAGLIKAS
NG LABORERS

PINALIKAS ng Pasay City local government unit (LGU) ang mga residente na nakatira malapit sa mga baybayin ng Manila Bay.

Matapos magbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may posibilidad na isa hanggang dalawang metro ang taas ng alon sa mga baybayin kabilang ang lungsod ng Pasay.

Personal na pinuntahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang ilang lugar kung saan nakatira ang ilang mga residente sa mababang lugar at malapit sa baybayin ng Manila Bay.

Ayon sa alkalde, pinaghandaan ng lungsod maging ang rubber boats na gagamitin ng mga rescue team sa posibleng mangyaring sakuna lalo sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Pinuntahan ni Rubiano ang itinatayong gusali sa Diokno Blvd., para palikasin ang mga construction worker na nanatili sa barracks malapit sa baybayin ng Manila Bay upang maiwasan at hindi mapahamak sa daluyong ang mga trabahador. (JAJA GARCIA)

500 PAMILYA
INILIKAS
SA MUNTI

NASA higit 500 pamilya ang inilikas ng Muntinlupa local government unit (LGU) sa mga evacuation center dahil sa bagyong Ulysses.

Inilikas ang mga nakatira sa mga baybayin ng Laguna bay, tabing ilog, at mabababang lugar na inaabot ng baha dahil sa magdamag na ulan.

Ayon sa Public Information Office ng Muntinlupa, umapaw ang ilog sa Barangay Tunasan, hangganan ng Muntinlupa at San Pedro, Laguna, kaya inilikas ang mga pamilyang nakatira rito.

Dakong 12:00 am nawalan ng supply ng koryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Ilang puno ang itinumba ng bagyo sa loob ng compound ng Bilibid.

Higit 2,000 individuals ang kinakalinga ngayon ng Department of Social Welfare & Development (DSWD) at Muntinlupa LGU sa evacuation centers na binigyan ng medical kit at iba pang pangangailangan ng pamilyang naapektohan ng bagyo.

Nanawagan ang lungsod sa Meralco na maaibalik ang supply ng koryente sa mga lugar partikular sa Barangay Tunasan dahil kailangan ang komunikasyon upang mapadali ang pagtugon ng mga team sa paglilikas ng mga pamilyang lubhang naapektohan ng bagyong Ulysses. (JAJA GARCIA)

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *