NAGSIMULANG magpakawala ng sobrang tubig ang tatlo sa mga dam sa Luzon na Binga, Magat, at Angat dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Ulysses nitong Huwebes, 12 Nobyembre.
Ayon kay state hydrologist Richard Orendain, nagsimula nang umapaw ang Binga Dam sa Benguet, at Magat Dam sa Cagayan na pangunahing pinagkukuhaan ng tubig para sa irigasyon sa Luzon.
“Iyong Binga Dam nagpapakawala rin po. Anim na gates ang binuksan,” ani Orendain sa online briefing ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) dakong 11:00 am kahapon.
Samantala, may outflow ang Binga Dam na 494.71 cubic meters per second, na makaaapekto sa mga barangay ng Dalupirip at Tinongdan sa bayan ng Itogon, lalawigan ng Benguet.
Dagdag ni Orendain, nagbukas ang Magat Dam ng dalawang gate at may total outflow na 989 cubic meter per second, na apektado ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu, sa lalawigan ng Isabela.
Nagsimulang magpakawala ng tubig ang Angat Dam dakong 1:00 pm na may total outflow na 60 cubic meter per second, at nakaaapekto sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, at Hagonoy sa lalawigan ng Bulacan.