NAGING talamak ang paggamit ng social media sa transaksiyon ng illegal drugs sa bansa sa panahon ng pandemyang coronavirus disease (CoVid-19) upang hindi masilat ang kanilang ‘epektos’ sa mga nagkalat na checkpoint sa buong bansa.
Ito ang nakarating na impormasyon sa Kongreso kaya nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa tumataas na kaso ng panlolokong online kasama ang pagbebenta ng illegal drugs.
Nabatid sa agenda ng ika-14 na virtual hearing ng House Committee on Trade and Industry na ang agenda ay “Inquiry into the growing reported cases of online fraud and the recent spate of internet scams, fake online bookings, and sale/distribution of illegal drugs online or via social media.”
Ang komite ay pinamumunuan ni Valenzuela City 1st District Rep. Weslie Gatchalian.
Wala pang depinidong impormasyon kung may layunin ang komite na amyendahan ang Cybercrime Prevention Act o magbabalangkas ng hiwalay na batas kaugnay sa cybercrime sa panahon ng new normal. (ROSE NOVENARIO)