“HINDI po sang-ayon ang Presidente sa same sex marriage. Whether be it church or civil, hindi po siya sang-ayon.”
Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa isinasagawang pagdinig sa Kongreso sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression Equality (SOGIE) bill.
Layunin ng panukalang batas na bigyan ng proteksiyon ang mga miyembro ng LGBT community laban sa diskriminasyon, harassment at karahasan, at parusahan ang lalabag dito.
Inilinaw ni Roque, nananatili ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng Filipino ay pantay-pantay anoman ang kasarian.
Gayonman, hinahayaan ng Pangulo ang Kongreso kung ano ang magiging pinal na bersiyon ng SOGIE bill.
“Malinaw na malinaw po ang paninindigan ng ating Presidente, naniniwala po siya na lahat po ng Filipino ay pantay-pantay anoman ang kanilang kasarian. Pero hinahayaan na po natin sa Kongreso kung ano ang magiging pinal na bersiyon ng SOGIE Bill. Ang Presidente naman po ay nagsabi ‘no, pagdating sa civil… na tinatawag, iba po ito sa same sex marriage ‘no,” ani Roque sa virtual press briefing.
“Pero sang-ayon po siya na magkaroon ng batas… na iiral doon sa relasyon ng kaparehong kasarian,” dagdag ni Roque. (ROSE NOVENARIO)