Who against hope believed in hope.
— Romans 4:18
PASAKALYE:
Text Message…
Itong si PI DSWD Sec. BAHOTISTA, ang babaho ng pinagsasabi sa pamimigay ng SAP-SAP. Bilasa na nga iyong SAP-SAP e hindi pa namin makuha. Ang dami niyang post sa YouTube, paiba-iba ang sinasabi kung paano makukuha ang bilasang SAP-SAP. Mula March hanggang ngayon (ay) hindi pa rin mabigyan lahat ng mahihirap. At matawa ka (na) nasa 82 porsiyento na raw ang nakatanggap ng SAP. PI e kung maglilibot lang siya sa bahay-bahay (at) tanungin kung nakatanggap na ng SAP e baka sa isang libong tinanong niya e 300 palang (ang) nakatanggap. Nasaan ang 82 porsiyento doon? Puro antay-antay lang sinasabi e masakit na ang ‘atay’ namin sa gutom! Juan po. — Juan ng Tondo (0994818…, November 01, 2020)
* * *
HANGGANG sa ngayon at makalipas ang walong buwang paghihirap, wala pa rin naatatanggap na ayuda ang mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal noong Enero.
Ito’y dahil hanggang ngayon, wala rin natatanggap ang National Housing Authority (NHA) na anumang pondo o budget para sa relokasyon ng mga nasalantang residente sa nasabing bayan.
Wika ng isa sa mga biktima: “Kailan pa darating ang tulong sa amin, ‘pag namamatay na kami sa gutom.”
Parang inilarawan na rin nito ang naranasan ng ating mga kababayan sa paglaganap ng pandemya ng coronavirus at ang matagal na pagkabalam ng pinagmamalaking social amelioration program (SAP) ng gobyerno na ang layunin ay maibsan ang paghihirap ng mahihirap sanhi ng krisis at ang nagresultang paghina ng ating ekonomiya na nagdulot ng kawalan ng trabaho sa milyon-milyong manggagawa at nagpasara sa ilang mga negosyo sa ating kapuluan.
Sa budget hearing sa Senado, inihayag ni NHA general manager Marcelino Escalada, Jr., walang budget na inalaan para sa Taal relocation sa panukalang 2021 budget ang kanyang ahensya, na ang kahulugan ay pagiging malabo ng anumang ayuda para sa mga biktima ng Taal sa nalalapit na kinabukasan.
Ito ang inihayag ni Escalada nang tanungin ni Senadora Nancy Binay ukol sa ginasta ng pamahalaan para sa Taal relocation.
Ngunit binuksan din naman bilang estratehiya ang imbentaryo para sa Taal evacuees.
Pinunto ng GM ng NHA na aabot sa 10,000 available housing units sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite at Laguna ang iniaalok para sa mga bakwit (evacuees).
Bukod dito, umaabot din sa 600 ang nai-relocate na sa Ibaan, Batangas habang ang nalalabi ay nagdesisyong manatili sa Batangas.
Kaya nga inulit ni Escalada na wala pang pondong nagmumula sa Department of Budget and Management (DBM) na naipagkaloob sa NHA para sa taong 2020 at gayon din para sa 2021.
* * *
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera