MISTULANG nanalo nang ilang beses sa lotto jackpot ang isang ‘kuwestiyonableng’ non-government organization (NGO) matapos makatanggap ng P812.73 milyon mula sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Dahil dito, sinampahan ng kasong pandarambong o plunder ang siyam na dati at kasalukuyang opisyal ng lalawigan ng Quezon, kasama si Rep. David Suarez dahil sa umano’y maling paggamit ng P812.73 milyong pondo ng lalawigan mula sa bahagi nito sa operasyon ng Pagbilao Power Plant.
Batay sa 16-pahinang reklamo na inihain ni Fidel Verdad sa Office of the Ombudsman, hiniling niya na imbestigahan si Suarez, bilang dating gobernador ng Quezon, sa paglabag sa Republic Act 7080 o ang Plunder Law at RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod kay Suarez, kabilang din sa mga inireklamo sina board members Romano Talaga at Teresita Dator, at dating board members Manuel Butardo, Joanna Rose Martija, Gerald Ortiz, Lourdes de Luna-Pasatiempo, Donaldo Suarez, at Rachel Ubana.
Batay sa reklamo, si Suarez bilang gobernadora noong 2011 ay sinabing nakipagsabwatan sa provincial board para bigyan ng P750 milyon ang Unlad Quezon Foundation, Inc., isang NGO, para umano sa implementasyon ng livelihood projects.
Pinahintulutan aniya ng provincial board si Suarez na pumasok sa kasunduan sa Unlad Quezon kahit kaduda-duda ang kalipikasyon ng NGO.
“The NGO has never submitted any report on how the funds were used,” ani Verdad sa kanyang reklamo.
Base sa record ng Securities and Exchange Commission (SEC), tumigil na sa operasyon ang Unlad Quezon noon pang 31 Disyembre 2012.
Ngunit mula Marso hanggang Mayo 2019, sinabi ni Verdad, pinagkalooban pa rin ni Suarez at ng provincial board ang Unlad Quezon ng P63 milyon mula sa Pagbilao fund.
Ipinabubusisi rin ni Verdad sa Ombudsman si Suarez at mga opisyal ng lalawigan sa kuwestiyonableng paggasta ng pamahalaang panlalawigan ng P62,730,000 ilang buwan bago naganap ang May 2019 elections.
Inilabas umano sa kaban ng lalawigan ang nasabing halaga mula Marso hanggang hanggang May 2019, sa pangunguna ni Suarez, para sa Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) at Sustainable Livelihood Program (SLP).
Upang maging legal ang paggasta ng nasabing pondo, si Suarez ay naghain ng petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) noong 29 Abril 2019 upang humingi ng authorization para ipatupad ang dalawang programa.
Ngunit kahit wala pang basbas ang COMELEC sa inihaing petisyon ay nagpalabas agad ng pondo si Suarez para pambayad sa mga tao na kanilang nirekrut bilang mga benepisaryo ng Tulong at Garantisadong Oportunidad sa Nangangailangan (TUGON) program.
Umabot sa 17,000 workers na sinuweldohan ng P300 with food allowance kada araw.
Bukod dito, naglaan din ng pondo para sa office supplies at iba pang gastusin kaugnay ng programa na umabot sa kabuuang halaga na P62,730,000.
Makalipas ang anim na buwan mula nang idaos ang halalan, noong 29 Nobyembre 2019 ay naglabas ng resolusyon ang COMELEC na tinutulan ang petisyon ni Suarez na ilunsad ang nabanggit na mga programa. (ROSE NOVENARIO)