NANAWAGAN ang aktres na si Liza Soberano na huwag lunurin ang isyu ng sekswal na pang-aabuso sa babae sa pamamagitan ng red-tagging sa mga personalidad na nagsusulong ng karapatan ng kababaihan.
“As always, some people are resorting to red tagging me instead of actually understanding the real issue. Why drown the issue of sexual abuse, which is rampant and almost every female’s reality, with your malicious political labels? Priorities, please,” sabi ng aktres sa Facebook post.
Batay sa depinisyon ng Commission on Human Rights (CHR), ang red-tagging ay “Gawa ng mga aktor ng Estado, partikular ang mga ahensiya na nagpapatupad ng batas, na hayagang bigyan ng tatak ang mga indibidwal, grupo, o institusyon bilang… kaalyado ng komunista o mga makakaliwang terorista.”
Giit ni Soberano, hindi terorismo ang adbokasiya hinggil sa women’s rights at hindi ito senyales ng pagiging miyembro ng New People’s Army (NPA).
Hiniling ng aktres na ihinto ang red-tagging sa kanya dahil nagsalita lamang siya sa Gabriela Youth webinar kamakailan.
“Advocating about Women’s Rights is not an act of terrorism or a sign of being a member of the NPA. Stop red tagging people like me just because I gave a talk at a Gabriela Youth webinar,” dagdag ng aktres.
Matatandaan bumuhos ang suporta ng mga artista, politico at personalidad laban sa walang habas na red-tagging na inilunsad ni Southern Luzon Command (Solcom) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesman Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., laban kina Angel Locsin, Catriona Gray, at Soberano kamakailan dahil sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan na adbokasiya rin ng militanteng Gabriela Women’s Party.
Imbes matakot, dumagsa pa ang suporta ng mga artista sa Gabriela at isinatinig ang kanilang pag-ayuda sa ipinaglalaban ng progresibong grupo sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo noong nakalipas na linggo.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado kahapon, itinanggi ni Parlade na ni-red-tag niya ang mga artistang nabanggit ngunit idiniin niya na si Angela Colmenares, kapatid ni Locsin, ay dating kasapi ng NPA.
Inamin ng testigo ng NTF-ELCAC sa Senado na si Jeffrey Celiz alias Ka Eric Almendras, umano’y dating miyembro ng NPA, na isa siya sa drug personalities na kasama sa narco-list na ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2016 dahil sa koneksiyon niya sa napaslang na druglord na si Melvin Odicta.
Naging tagapagsalita ni Iloilo City Mayor Jed Mabilog si Crliz ngunit pareho silang nawala sa city hall matapos silang iugnay ni Pangulong Duterte sa drug syndicate noong 2016. (ROSE NOVENARIO)