IPAUUBAYA sa militar ang pagbibiyahe sa CoVid-19 vaccine at magsisilbing imbakan nito ang mga kampo militar sa buong bansa.
Inihayag ito ni National CoVid-19 task force chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., kahapon sa virtual press briefing sa Palasyo.
“Ang nakikita ko iyong sinabi ni Presidente na greatly involved ang ating Armed Forces at saka PNP kasi talaga po iyong sa logistical portion, meaning, iyong sa warehousing, distribution at saka iyong tinatawag na storage ay may facility po ang ating mga military in terms of iyong bulk. Kasi kung bulk natin, if we will be buying by the millions, 20 million, 40 million na vaccine malaki pong area ang kailangan nito and then malaking manpower din po ang kailangan,” ani Galvez.
Tiniyak ni Galvez na may mahalagang papel na gagampanan ang mga lokal na pamahalaan dahil sila ang nakaaalam at may record kung sino ang dapat maging prayoridad na babakunahan sa kanilang lugar.
Hinihintay na lamang aniya ang go signal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ibinalangkas na Philippine National Vaccine Roadmap para sa maayos na preparasyon sa foreign-made coronavirus vaccines, na inaasahang magiging handa na sa susunod na buwan.
Pitong yugto ang nakasaad sa roadmap na sisimulan sa “most critical” scientific evaluation at selection process para sa bakuna na pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST).
Susundan ito ng pursuit sa access at acquisition at procurement; pagkatapos ay production, shipment, at storage stage na isa sa pinakamahirap na bahagi dahil ito ay nangangailangan ng cold chain equipment para sa pagbiyahe ng bakuna sa tamang oras, dahil kung hindi, ito ay hindi na magiging epektibo.
Samantala, ang stage 5 ay distribution at deployment; susundan ng nationwide vaccination; assessment, evaluation at monitoring. (ROSE NOVENARIO)