INETSAPUWERA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III sa alinmang negosasyon kaugnay sa pagbili ng bakuna para sa CoVid-19.
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Presidential Adviser on the Peace Process at National Task Force against CoVid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez, Jr., bilang “vaccine czar.”
Sa kanyang public address kagabi, binigyan ng kapangyarihan ng Pangulo si Galvez para makipagnegosasyon sa manufacturers ng mga bakuna laban sa CoVid-19 gayondin ang distribusyon nito.
“Marami kasi akong nababasang people negotiating. As I said earlier during the start of COVID, I only want one line of authority coming from dito sa Task Force. Pagbili ng bakuna, the negotiations, manufacture, production or distribution, ibinigay ko ‘yan kay Secretary Galvez,” ani Duterte.
“So only Secretary Galvez is authorized to negotiate or whatever. Isa lang. Ayaw ko ‘yang committee-committee. Matagal ‘yan. I have great faith in Charlie o really come up with the solutions for the problema,” dagdag niya.
Ang pagtatalaga ng Pangulo kay Galvez bilang “vaccine czar” ay taliwas sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong nakaraang linggo na pagbuo ng task force para sa CoVid-19 immunization program na pangungunahan ng Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga inaabangang posibleng maging source ng CoVid-19 vaccine ay Russia at China. (ROSE NOVENARIO)