PARA sa mga may alagang aso, maaari na silang mag-enjoy ng isang tasang kape na kasama ang kanilang pet dog sa bagong café — ang kauna-unahan sa ultra-conservative na kaharian.
Sa Islam, ang mga aso ay ikinokonsiderang hindi malinis na mga hayop — hindi tulad ng mga pusa — at kadalasan ay ipinagbabawal sa mga pampublikong lugar sa Kaharian ng Saudi Arabia.
Ngunit ang pamosong Barking Lot, na nagbukas kamakailan lang sa coastal city ng Khobar, ay sadyang kinagigiliwan ng animal lovers sa isang bansang iilan lamang ang mga lugar na puwedeng magdala ng kanilang alaga sa labas ng kanilang tahanan.
Dating mahigpit na tinutugis ng once-notorious religious police ang pamamasyal kasama ang mga alagang hayop at isa sa dahilan umano’y ginagamit ito ng kalalakihan para makipag-ugnayan sa kababaihan —bagay na ipinagbabawal sa mga Muslim kung hindi mag-asawa ang isang babae at lalaki.
Dangan nga lang ay hindi rin naipapatupad nang husto at naging pangkaraniwan nang makakita ng mga taong namamasyal kasama ang kanilang mga alaga.
Nagsulputan na rin, dahil sa pagbabawal, ang mga animal shelters sa ilang mga lungsod sa kaharian. Maging ang pag-ampon ng mga ligaw na hayop o yaong nabubuhay sa lansangan ay may pag-asang magbago ang sitwasyon ngayong nagpapatupad ng maraming pagbabago si Crown Prince Mohammed bin Salman batay sa kanyang ‘Vision 2030’ plan.
Ayon sa may-aring Kuwaiti ng Barking Lot na si Dalal Ahmed, naisip niya ang ideyang magtayo ng ‘dog café’ nang dumalaw siya sa Saudi may ilang taon na ang nakalipas.
“I came to Saudi Arabia for a visit with my dog, but wasn’t allowed to walk on the beach with him,” wika niya sa panayam ng Agence France-Presse (AFP).
“I was very sad and decided to help by opening a coffee shop for people who have dogs — and even for those who do not,” dagdag niya.
Sa ngayon ay maraming dumadalaw sa café ni Dalal at tuwang-tuwa ang kanyang mga bisita sa kakaiba niyang konsepto.
Sa isang seksiyon ng kanyang establisimiyento, ang mga aso ay pinapaliguan at bino-blow dry din bilang bahagi ng kanilang grooming services na inaalok sa kanilang mga kostumer.
“The idea of this cafe is very new. It’s a distinct place where dogs can come and meet other dogs,” wika ni Johara, isang mamamayan ng Saudi.
(Kinalap ni TRACY CABRERA)